Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na aabot sa 89,473 pulis ang ide-deploy nila sa buong bansa para sa ligtas at maayos na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Biyernes, Hunyo 12.
Batay sa ulat na ibinahagi ng PNP nitong Huwebes, Hunyo 11, naka-Full Alert Status na ang lahat ng kanilang unit simula ngayong araw ng 5:00 ng hapon hanggang sa Biyernes, Hunyo 12, 11:59 ng gabi.
Sa kabuuan ng mga ipinadalang pulis, humigit-kumulang 16,000 dito ay nasa Metro Manila—na layong bantayan ang ilang mahahalagang lokasyon gaya ng Luneta Park, ilang historical monuments, government facilities, transport terminals, at iba pa.
“We are fully prepared to secure this important national occasion. Our personnel are on the ground, alert, and ready to respond at any time,” saad ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa kaniyang pahayag.
“Tiyakin po natin na ang selebrasyon ng ating kalayaan ay magiging mapayapa at ligtas para sa lahat,” giit pa ng hepe.