PINAGTIBAY kamakailan ng Baguio City ang isang ordinansa na nakapukaw ng atensiyon ng bansa.

Sa isang antas, nakatanggap ito ng papuri mula sa mga magulang at sa ibang lider ng lipunan bilang mahalaga sa pagpapaunlad ng moralidad sa kabataan. Sa isang banda, kinuwestiyon ang legalidad nito, sa posibleng paglabag umano sa “freedom of speech” na itinatakda ng Konstitusyon.

Isa itong ordinansa na nagbabawal sa “cursing, cussing, expressing insults or the use of foul language to express anger or any other extreme emotion in establishments frequented by students, from pre-school to college level.” Kabilang sa mga establisyamento ang mga paaralan, siyempre, gayundin ang mga computer shops at mga arcade.

Tulad ng inaasahan ng marami, nagpahayag ng oposisyon sa ordinansa si Presidential Spokesman Salvador Panelo. “I think cursing is part of freedom of speech—for as long as you donot injure the person that is the subject of your curse,” aniya.

Tsika at Intriga

Valentine, dinogshow si Maris: 'Kailangan talaga OOTD si Sadness?'

Siguradong naisip ni Panelo si Pangulong Duterte nang ihayag niya ang kanyang opinyon. Kilala ang Pangulo sa kalimitang paggamit ng salitang mura “Pu.... mo.” Ginamit niya ito kay Pope Francis nang maipit siya sa matinding trapiko noong bumisita ang Santo Papa sa Pilipinas. Ginamit din niya ito kay dating United State President Barack Obama nang magpahayag ng pangamba ang huli hinggil sa maraming bilang ng namamatay na isinasangkot sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Walang pambansang batas na nagbabawal sa pagmumura sa publiko, bagamat iginigiit ng ilan na bahagi ito ng paninirang-puri habang sinasabi ng ilan na maaari itong iugnay sa bullying. Tiyak na isang mabigat na hamon ang ordinansa ng Baguio sa sinumang maaakusahan ng paglabag dito, bagamat sa ngayon ay itinatakda lang na ang lalabag na estudyante ay pagsasabihan o—nasa pagpapasya ng paaralan—sususpendihin o patatalsikin sa eskuwelahan.

Sinabi ng konseho ng lungsod, sa pagpapatibay ng ordinansa na agad na inaprubahan ni Mayor Mauricio Domogan, na naging normal ng gawain ang pagmumura, na lumalaganap sa mga paaralan, establisyamento, at sa lipunan bilang kabuuan. “The very fabric of morals and human decency has deteriorated to such a degree that we have to prevent it before the damage would become irreparable,” pahayag nila.

Tunay ngang nasasangkot dito ang legal at konstitusyunal na isyu ngunit naiintindihan natin ang pangamba ng mga opisyal ng Baguio City hinggil sa pangangailangan ng aksiyon upang maihinto ang pagkasira ng moral at kabutihang-asal sa kasalukuyang lipunan, lalo’t higit sa mga kabataan. Ano’t ano pa man, dapat na mag-udyok ng diskusyon ang ordinansang ito sa mga paaralan at sa mga talakayan tungkol sa tumitinding problemang ito sa ating lipunan.