SA nakaraang pocket presscon ng pelikulang ML (Martial Law) ay natanong ang beteranong aktor na si Eddie Garcia kung paano siya nakakasabay sa millennial actors ngayon katulad nina Henz Villaraiz, Lilianne Valentin at Tony Labrusca.

Kung ilarawan ng mga batang artista ang legendary actor, ang lagi nilang sinasabi ay hindi iba ang pakikitungo ni beteranong aktor kung baguhan o mga bata man ang kasama niya sa pelikula.

“Wala namang problema, kahit millennials o beterano na artistang kasabay ko, pare-pareho lang as long as they do their part right, they come on time, prepared hindi nagpi-primadonna then, they’re nice to work with,” katuwiran ng Cinemalaya Hall of Famer.

Walang social media accounts si Mr. Eddie kaya hindi siya updated sa mga nangyayari sa showbiz.

Relasyon at Hiwalayan

Priscilla, open maka-work si John pero 'di bet magpatuka

“Hindi ako nagso-social media. Alam (n’yo) kasi hindi ako nakikialam sa buhay ng may buhay. Bahala sila (buhay nila),” nakangiting sagot nito.

Ginagampanan ni Eddie ang karakter na Colonel De la Cruz, retired Metrocom Police Officer na nakaranas ng Martial Law at base sa kuwento sa pelikulang ML, ay tino-torture niya ang mga kabataan noon na lumalaban sa gobyerno.

Kuwento ng aktor, hindi naman siya apektado noon ng Martial law.

“’Yung nangyari sa martial law, ang experience ko roon dahil gumagawa na ako ng pelikula noon, kukuha kami ng passes para sa lahat, (staff and crew), everybody involved at puwede kang mag-shoot magdamag, napakatahimik ng kalye, walang problema ang shooting noon during martial law.

“Doon naman sa torture scenes, dahil hindi ko alam kung anong nangyari, itong ginawa ko sa pelikula, it was based on the script.”

Kung ganito nga ang patakaran noon na hihingi ka ng passes para makapag-shooting ay malaking pabor ito sa mga taga-showbiz kung sakaling ipatupad ngayon para mapadali ang paggawa ng pelikula at taboo naman ito sa mga taong hindi pabor sa martial law.

Samantala, pabor ang aktor na muling ipalabas ang ML para naman mapanood ito ng millennials upang malaman nila kung ano ang nangyari noong panahon ng martial law.

Palabas pa rin nationwide ang ML ngayon, mula sa direksyon ni Benedict Mique.

-Reggee Bonoan