NCAA ManCom, ibinitin ang suspensiyon ni coach Robinson

LIGTAS sa suspensyon si Lyceum of the Philippines coach Topex Robinson – pansamantala.

Matapos ang pagpupulong, nagdesisyon ang Management Committee ng NCAA na isantabi muna ang isyu hingil sa inasal ni Robinson laban sa liga matapos ang naging desisyon na suspendihin ang star player ng Pirates na si CJ Perez sa Game One ng 94th NCAA Finals.

Sinamantala ng San Beda ang pagkawala ng last year MVP para maitakas ang 60-73 panalo nitong Martes sa MOA Arena at makalapit sa inaasam na back-to-back championship.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Makalalaro na si Perez sa Game 2 sa Lunes.

Ibinaba ang suspensyon kay Perez matapos ang kabiguang ipaalam sa liga ang kanyang pagsumite ng aplikasyon sa nakatakdang PBA Rookie Drafting.

Ikinadismaya ng kampo ng Lyceum ang naturang desisyon at hayagang binira ni Robinson ang ManCom dahil sa aniya’y hindi makatwirang desisyon.

“The Mancom has decided to give the LPU coach (Robinson) enough time to finish the remaining finals games,” pahayag ni NCAA Mancom chairman Frank Gusi.

“Then after which, we are putting continuance to the proceedings in the spirit of sportsmanship and with the best interest of the league,” aniya.

Sa presensiya ni Robinson at Perez sa Game 2, target ng Pirates na mahila ang serye sa do-or-die.

Ipinagpaliban din ng liga ang pagbibigay ng posibleng suspensiyon kay College of St. Benilde assistant coach Charles Tiu bunsod ng komento niya sa social media na isang ‘joke’ ang desisyon ng ManCom sa pagsuspinde kay Perez.

Tangan ni Perez ang averaged a league-best 18.7 puntos at 3.3 steals bukod sa 8.4 rebounds at apat na assists.

-Marivic Awitan