Hinatulang makulong ng 42-77 taon si dating First Lady at ngayon ay Ilocos Norte 2nd District Rep. Imelda Marcos matapos na mapatunayang guilty ng Sandiganbayan Fifth Division dahil sa pagkakaroon ng ilang Swiss bank accounts sa panahong presidente pa ng bansa ang kanyang asawang si Ferdinand Marcos.

Wala naman si Marcos o ang kanyang abogado nang ihayag ng anti-graft court ang naging hatol nito sa pitong bilang ng graft laban sa kongresista, kahapon ng umaga.

“Wherefore, judgment is hereby rendered finding the accused, Imelda R. Marcos, guilty beyond reasonable doubt for violation of R.A. No. 3019 Section 3(h)... whereby she is sentenced in each case to suffer an indeterminate penalty of imprisonment of six years and one month, as minimum, to 11 years, as maximum, with perpetual disqualification from holding public office,” saad sa ruling ng hukuman.

Kasabay nito, napawalang-sala naman si Marcos, 89, sa tatlong iba pang kasong graft dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya laban sa kanya.

National

Harry Roque, iboboto si Quiboloy bilang senador: ‘Kinikilala niya ang Panginoon’

Diniskuwalipika rin si Marcos sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, habang ipinag-utos na ng Sandiganbayan ang paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya.

Dahil sa hindi pagsipot sa promulgation ng desisyon, pinagpapaliwanag ng korte si Marcos sa loob ng 30 araw.

Ang mga kasong graft, na inihain noong 1991, ay nag-ugat sa kanyang “direct and indirect financial or pecuniary interest” sa pangangasiwa sa ilang non-government organizations na nilikha sa Switzerland simula 1968 hanggang 1984.

Dahil sa naging hatol kay Marcos, inihayag ng Malacañang na umiiral pa rin ang hustisya sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, iginagalang ng Palasyo ang desisyon ng anti-graft court.

“While we note that there are still legal remedies available to Congresswoman Marcos, this latest development underscores that our country currently has a working and impartial justice system that favors no one,” aniya.

-CZARINA NICOLE O. ONG at GENALYN D. KABILING