TINAWANAN na lang ni Derek Ramsay ang lumabas na balitang nagpakasal na sila ng girlfriend niyang si Joanna Villablanca, at may photo pa na nakasuot sila ng wedding attire.
Hindi raw totoo iyon, ayon kay Derek. Hindi lang daw nila natanggihan ni Joanna ang imbitasyon ng producer na si Atty. Joji Alonso, ng Quantum Films, na mag-cameo role sila sa movie nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola, ang The Girl in the Orange Dress—na isa sa eight official entries sa 2018 Metro Manila Film Festival sa December 25.
Biro pa ni Derek, practice lang nila iyon ni Joanna, na nerbiyos na nerbiyos daw nang sinu-shoot na nila ang eksena. Pero nakita rin niyang in-enjoy naman ang girlfriend sa pagge-guest nilang iyon.
Pero nilinaw ni Derek na hindi pa raw sila ngayon magpapakasal ni Joanna.
“Napag-uusapan naman namin lagi ang pagpapakasal, pero mga two to three years pa bago maganap iyon,” sabi ni Derek. “Paghahandaan naming mabuti iyon dahil gusto ko kung kakasalin kami, very intimate ang wedding at kilala namin ang lahat ng mga guests namin.”
Sa ngayon pala ay nasa pangangalaga na ni Derek ang 15-year-old son niyang si Austin. Five months nang nasa kanya ang anak na nai-enrol na niya sa Brent School.
Tungkol naman sa paglipat niya sa GMA Network, muli raw silang makikipag-meet ng kanyang manager sa Kapuso bosses, at next year na siya magsisimulang magtrabaho.
-Nora V. Calderon