Matagal nang plano ng Malacañang ang paglilipat kay outgoing Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ito ang nilinaw kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinabing ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon bago pa man pumutok ang kontrobersiya sa P11-bilyon shabu shipment na ipinuslit sa bansa noong Agosto.

Sa katunayan, ayon kay Panelo, ang paglilipat sa TESDA kay Lapeña ay nagsilbi pang promotion nito.

Papalitan ni Lapeña sa posisyon si Guiling Mamondiong, na nagbitiw sa puwesto.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

Dapat, aniya, ay sa susunod na linggo pa ihahayag ang paglilipat kay Lapeña, ngunit kinumpirma na ito ng Pangulo nitong Huwebes upang iiwas sa intriga at paninira ang opisyal.

“Now, with respect to Commissioner Lapeña, alam mo matagal nang nakaano iyon… naka-ready i-transfer sa TESDA. Kaya lang nadali kasi—alam mo si Presidente, ano siya, he wants to spare him (Lapeña) from intrigue, dahil sinisiraan nang husto, eh,” paliwanag ni Panelo.

Matatandaang naging kontrobersiyal si Lapeña nang igiit na walang lamang shabu ang apat na magnetic lifter na nadiskubre sa General Mariano Alvarez sa Cavite nitong Agosto.

Ang nasabing pahayag ni Lapeña ay salungat sa iginigiit naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino, na nanindigang ginamit ang mga nasabing magnetic lifter upang makapagpuslit ng bilyun-bilyong pisong halaga ng droga sa bansa.

Subalit makalipas ang ilang buwan ng pagkontra sa PDEA, sinabi ni Lapeña nitong Miyerkules sa pagdinig ng Kamara sa usapin na naniniwala na siyang shabu nga ang laman ng nasabing mga magnetic lifter.

Malaking hamon naman para sa bagong pinuno ng BoC na si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief at Maritime Industry Authority (Marina) Chief, retired Gen. Leonardo “Rey” Guerrero kung papaano niya mapupunan ang puwesto ni Lapeña.

“I hope retired Gen. Guerrero can fill in the big boots left by Lapeña but not suffer the same fate as he did,” sinabi kahapon ni Senator Panfilo Lacson.

Una nang iginiit ni Lacson na malinaw na “demotion in trust and confidence” ang pagkakalipat kay Lapeña sa TESDA.

“It may well be a promotion in rank and position, but definitely a demotion in trust and confidence. It’s a pity because save for the big shabu shipment that got away, apparently due to collusion between the drug syndicate and some low level Customs officials, former Commissioner Lapeña was doing a good job proven by consistently exceeding the Bureau’s target collections,” ani Lacson.

Kaugnay nito, inirekomenda naman ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, ang pagsasampa ng kaso laban kina dating Senior Supt. Eduardo Atienza at dating PDEA Deputy Director Ismael Fajardo, sa mga x-ray technician ng BoC, at ilang Chinese personalities kaugnay sa naipuslit na droga sa bansa.

Ang rekomendasyon ay batay na rin sa testimonya ni Jimmy Guban, dating intelligence officer ng BoC na umaming sangkot sa pagpupuslit ng shabu gamit ang magnetic lifters.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at LEONEL M. ABASOLA