Hindi pabor ang Malacañang sa panukalang isailalim sa mandatory drug testing ang mga kandidato sa eleksiyon sa susunod na taon.
Iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dapat ay “voluntary” at hindi mandatory requirement ang pagpapa-drug test para sa mga kandidato.
“Mandatory drug testing for Senate and House of Representatives candidates is violative of the Constitution as it adds another qualification outside of that enumerated by the Constitution. The same principle applies to local candidates as it also adds to the qualifications imposed by law,” sabi ni Panelo.
“Voluntary drug testing is a favourable process,” dugtong nito.
Ito ang naging reaksiyon ng Palasyo sa naging mungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ang ahensiya ng surprise drug test sa mga kandidato sa eleksyon sa Mayo 13, 2019.
Binigyang-diin naman ni PDEA Chief Aaron Aquino na ang nasabing drug test ay gagamitin sa paghahanda ng mga kandidato upang maging negatibo sila sa pagsusuri.
Ayon pa kay Panelo, kung wala naman talagang itinatago, magbu-volunteer na magpa-drug test ang mga kandidato.
-Genalyn D. Kabiling