Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:30 pm Alaska vs. Columbian Dyip
7:00 pm Rain or Shine vs. Northport
MAKABALIK sa winning track para magpapalakas ng kanilang tsansang magkamit ng twice-to-beat advantage papasok ng playoffs ang tatangkain ng Alaska habang patuloy na buhayin ang tsansang umabot ng susunod na round ang hangad ng Rain or Shine at Northport sa pagpapatuloy ngayong hapon ng PBA Governors Cup.
Nasa ika-apat na puwesto hawak ang markang 5-2, panalo-talo, sasagupain ng Aces ang cellar dweller na Columbian Dyip sa pambungad na laro ngayong 4:30 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay.
Magtutuos naman sa huling laban ganap na 7:00 ng gabi ang Elasto Painters (1-4) at Batang Pier (2-6).
Umaasa si Aces coach Alex Compton na hangad ng ibalik ang koponan sa finals na magsisilbing panggising sa kanila ang natamong 73-83 pagkatalo sa Magnolia noong Linggo.
“Our goal every conference is a championship and sometimes you need a wake-up call against a really good team that’s playing really well. I think that was this, this game for us,” pahayag ni Compton matapos ang kabiguang natamo sa Hotshots.
May natitira pang gahiblang tsansa upang makaiwas sa maagang bakasyon, kinakailangang ipanalo ng winless pa ring Dyip (0-8) ang natitirang tatlong laro at umasang hindi lumagpas sa tatlong panalo ang mga sinusundang San Miguel (3-4), Northport (2-6), Meralco (2-6) at Rain or Shine (1-4) para makahirit ng playoff sa huling upuan sa quarterfinals.
-Marivic Awitan