BIG challenge kay Thea Tolentino ang bago niyang role bilang transgender sa afternoon prime drama series na Asawa Ko Karibal Ko. Bukod sa transgender siya, kontrabida pa rin si Thea sa relasyon ni Kris Bernal at ng nagbabalik-Kapuso, ang heartthrob na si Rayver Cruz.
Hindi ba nagdalawang-isip si Thea na tanggapin ang role?
“Hindi po, itinuring ko ngang bagong phase ito sa acting career ko,” sagot ni Thea. “Ready po ako dahil nag-Bova acting workshop ako, at natutunan ko roon ang depth ng acting. Plus first time naming magkakasama ni Kris, at happy ako na ang first teleserye ni Rayver sa GMA, nakasama ako.”
Pero inamin ni Thea na medyo hirap siya kung paano babaguhin o palalakihin ang kanyang boses.
“As a transgender, hindi naman mababago ang boses, kaya kailangang pag-aralan ko ang boses ni Jason Abalos, na siyang magpapa-facial feminization surgery para maging isa siyang babae.
“Masakit po sa throat, pero nasasanay-sanay na ako. Siguro kapag nagtuluy-tuloy na ang taping namin, maiiba ko na rin ang boses ko. Sa ngayon po kasi, iyong first two weeks ng soap, si Jason pa ang mapapanood, bago ako.
“Thankful po ako kay Ken Chan. Tinuruan niya ako kung paano ang ginawa niya nang gawin niya ang Destiny Rose. Pina-practice ko po ‘yun ngayon. Nagpapasalamat din ako kay Direk Mark ‘Sikat’ dela Cruz sa pagga-guide sa akin sa character ko.”
Matagal-tagal din palang walang project si Thea sa GMA after niyang gawin ang Haplos. Pero nagge-guest siya sa mga shows ng GMA at mga regional shows.
“Nagkaroon na rin po ako ng time na mapatanggal ang cyst ko sa breast. Malaki na po kasi, at kailangan na raw tanggalin. Thank God, benign po naman iyong mga tinanggal sa akin. Saka, nakapag-enrol din ako sa Trinity University at kumukuha po ako ng Public Administration. Itutuloy ko po iyon kahit may ginagawa akong soap.”
Ang Asawa Ko Karibal Ko ay story ng different infidelity. Mami-meet ni Rachel (Kris) ang smart businessman na si Nathan (Jason), mai-in love sila sa isa’t isa at magpapakasal. Pero si Nathan, sa simula pa ay alam na niyang isa siyang gay, kaya gagawa siya ng paraan para makatakas sa dati niyang character. Babalik siya bilang si Catriona/Venus (Thea).
Magsisimula na silang mapanood sa October 22 pagkatapos ng Eat Bulaga.
-Nora V. Calderon