Kinumpirma kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nag-apply nga ng amnestiya si Senador Antonio Trillanes IV, taliwas sa iginigiit sa proklamasyon na ipinalabas ni Pangulong Duterte upang ipawalang-bisa ang nasabing amnestiya noong nakaraang buwan.

Sa budget hearing kahapon, kinumpirma ni AFP Chief of Staff Carlito Galvez na si Col. Josefa Berbigal, dating adhoc head ng amnesty committee secretariat, ang nagpasumpa kay Trillanes.

Gayunman, sinabi ni Galvez na hindi nila makita ang kopya ng nasabing mga dokumento.

“There are some lapses po, ‘di po naibaba ang mga dokumento pabalik sa J1 which is the repository of all the documents. All the papers were not brought back to J1 from GHQ (General Headquarters),” sabi ni Galvez.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

“Para pong sa promotion, Sir, ‘pag nag-submit tayo ng recommendation sa taas, ‘di na po bumaba. ‘Yun po ang nakita sa investigation po namin, kaya si Lt. Col. Thea Joan Andrade, wala pong nakitang papeles ng application n’yo, kaya nag-certify siya na walang papel ng application n’yo,” paliwanag ni Galvez.

Ang sertipikasyon naman ni Andrade ang naging batayan ng Pangulo upang bawiin ang amnestiya kay Trllanes.

“So nag-apply ako, sir?” tanong ni Trillanes.

“According to Berbigal, sir, yes,” sagot ni Galvez.

Sa naturang pagdinig, inulit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na si Solicitor General Jose Calida ang nagpahanap ng amnesty records ni Trillanes at ng ibang mga kasapi ng Magdalo, noong Agosto 15.

-Leonel M. Abasola