Pinangangambahan ng mga mamamili ang posibleng pagtataas ng presyo ng ilang Noche Buena products simula ngayong Oktubre.
Kinumpirma kahapon ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo na humihirit ang ilang manufacturer ng Noche Buena products ng 3-8% na taas-presyo sa kanilang mga produkto, partikular na sa ham at fruit cocktail.
Ayon kay Castelo, ikinatwiran ng mga negosyante na kailangang magtaas ng presyo sa kanilang produkto dahil sa patuloy na pagtaas ng palitan ng dolyar at mataas na presyo ng raw materials na ginagamit, dahil karamihan sa mga ito ay inaangkat pa sa ibang bansa.
Ayon sa opisyal, hindi naman porke may hirit ang manufacturer ay kaagad silang pagbibigyan ng DTI para sa price hike.
Sa ngayon masusing pinag-aaralan ng DTI kung makatwiran ang mga batayan at dahilan ng mga manufacturer bago pahintulutan ang mga ito na magtaas ng presyo ng kanilang produkto.
Sinabi ni Castelo na sa Oktubre 15 ilalabas ng DTI ang pasya nito sa usapin.
Sa tuwing ber months ay malaki ang demand at supply ng Noche Buena products sa mga pamilihan para sa Pasko at Bagong Taon.
Samantala, hindi naman napigilan ng DTI at ng Department of Agriculture sa pagtataas ng P10-P30 sa kada kilo ng ilang gulay sa mga palengke sa Cubao, Quezon City.
Bukod rito, bahagya ring tumaas ang presyo ng ilang isda.
-Bella Gamotea