Nagtataka ang Malacañang sa patuloy na panunungkulan ni National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino kahit na tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw nito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat inako na ng NFA Deputy Administrator ang trabaho ni Aquino para pansamantalang pamunuan ang ahensiya habang hinihintay ang pagtatalaga sa permanenteng administrator.

Nauna rito ay ipinahayag ng Pangulo na itatalaga niya si Army Chief Lt. Gen Rolando Bautista bilang susunod na NFA administrator matapos kusang magbitiw si Aquino. Inaasahang uupo si Bautista sa bago niyang puwesto sa pagreretiro nito sa militar sa susunod na buwan.

“Ang sabi ni Presidente tinatanggap na niya iyong pagbibitiw dahil hindi na nga kakayanin ni Jason Aquino. So ang alam ko po wala na siya, pero nagtataka nga po ako, kahapon lamang may nagsabi sa akin na umupo pa siya sa NFA Council,” ani Roque sa isang panayam sa radyo.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Ayon kay Roque, iniulat na kinontra pa ni Aquino ang planong importasyon ng Philippine International Trading Corp. ng murang bigas para madagdagan ang supply ng bansa sa idinaos na council meeting.

“Ang sa akin lang is tinanggap na po iyong pagbibitiw, eh bakit nag-a-attend pa ng NFA Council?” ani Roque

“Kaya nga po ang sinabi ko iyong Deputy Administrator na ang dapat namamahala habang hindi pa po pupuwedeng maging NFA Administrator itong si General Bautista,” aniya pa.

“Dahil wala naman tayong tinatawag na power vacuum - iyong Deputy Administrator ang dapat na tumatayong administrador,” diin ni Roque.

Binanggit din niya na ipinatupad na rin ng Pangulo ang reorganisasyon ng NFA nang ibalik ang superbisyon nito sa Department of Agriculture.

“Ang hepe na po ng Council ay si (Agriculture) Secretary (Emmanuel) Piñol. So wala po dapat power vacuum,” aniya.

Gayunman, sinabi ni Roque na lilinawin niya ang bagay na ito sa Pangulo upang masagot ang anumang kalituhan.

Nauna nang sinabi ni Piñol na mananatili si Aquino bilang NFA administrator hanggang sa makaupo sa puwesto si Bautista.

Gayunman, kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros ang pananatili ni Aquino sa puwesto kahit tinanggal na ito ng Pangulo. Inakusahan niya si Aquino at iba pang mga opisyal ng diumano’y pagtanggap ng P2 bilyon bawat taon mula sa “tara” system” kaugnay sa rice imports.

-Genalyn D. Kabiling