Sugatan ang isang lolo na driver matapos na makaladkad ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang sports utility vehicle (SUV) na kanyang minamaneho habang tumatawid sa riles sa Teresa Street sa Sta. Mesa, Manila, nitong Linggo ng gabi.

Maayos naman ang kondisyon ni Efren Castro, 67, residente sa naturang lugar, ngunit nasira ang minamaneho niyang pulang Mitsubishi Adventure nang makaladkad ito ng tren.

Batay sa ulat ni SPO3 Roy Magsino, ng Manila Police District (MPD), pasado 7:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa riles sa Teresa Street.

Tinangka umanong itawid ni Castro ang SUV sa riles habang paparating ang tren na biyaheng Tutuban, ngunit minalas na abutin ito at makaladkad.

National

Abalos, kinumpirma intensyon ni Wesley Guo na sumuko

Ayon naman kay Castro, na araw-araw umanong dumaraan sa lugar, hindi niya napansin ang paparating na tren dahil hindi umano ito bumusina.

Aniya, ilang buwan nang hindi gumagana ang barrier ng PNR sa lugar, at iginiit na mabagal ang pagpapatakbo niya baku-bako ang kalsada roon.

Nabatid na maging ang makinang tren ay nasira rin sa aksidente, kaya hindi ito kaagad naialis sa lugar, at nagbunsod upang pansamantalang isara sa mga motorista ang Teresa Street.

Pinababa na lang din ang nasa 500 pasahero ng tren, na ganap na 9:18 na ng gabi nang naialis sa lugar.

Sinabi ni PNR Spokesperson Jo Geronimo na iimbestigahan nila ang insidente dahil imposibleng hindi bumusina ang tren kapag papalapit na sa crossing, alinsunod sa ipinatutupad nilang standard operating procedure.

-Mary Ann Santiago