Swak sa bilangguan ang isang lalaking wanted sa tangkang panggagahasa at pagpatay sa sarili niyang pinsan sa Batangas City, may anim na taon na ang nakakaraan.

NANGGIGIL Tiim-bagang na sinampal ng complainant si Elmar Ignacio, na naaresto sa Maynila makalipas ang anim na taong pagtatago sa batas sa umano’y tangkang panggagahasa at pagpatay sa sarili niyang kaanak sa Batangas City.  (JANSEN ROMERO)

NANGGIGIL Tiim-bagang na sinampal ng complainant si Elmar Ignacio, na naaresto sa Maynila makalipas ang anim na taong pagtatago sa batas sa umano’y tangkang panggagahasa at pagpatay sa sarili niyang kaanak sa Batangas City.
(JANSEN ROMERO)

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong 10:30 ng umaga kahapon nang madakip ng mga tauhan ng Warrant Section, sa pangunguna ni PO3 Acemond Villanueva, si Elmar Ignacio, 29, sa isang bahay sa Zobel Roxas Street sa Malate, Maynila.

Armado ang mga awtoridad ng warrant of arrest, na inisyu ni Batangas Regional Trial Court Branch 7 Judge Aida Santos, nang arestuhin ang suspek.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Ayon kay MPD-Warrant Section chief, Chief Insp. Rolando Armendez, taong 2012 nang tinangka umanong halayin ni Ignacio ang kanyang 22- anyos na pinsan sa loob ng bahay nito sa Batangas City.

Nang manlaban ang biktima ay pinagsasaksak siya ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inakala ng suspek na napatay niya ang biktima, at isinugod ito sa pagamutan, saka nagpanggap na nadiskubre niya itong duguan at walang malay.

Masuwerte namang nabuhay ang biktima kaya nagawa nitong isalaysay sa mga kaanak at pulisya ang tunay na pangyayari, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakapagpiyansa si Ignacio at simula noon ay nagtago na hanggang sa muling maaresto sa Maynila.

-Mary Ann Santiago