Inaasahang makikiisa ang mga Catholic schools sa “Mass for Dignity and Peace” rally sa San Agustin Church sa Intramuros, Maynila bilang paggunita sa ika-46 na taong deklarasyon ng Martial Law (ML), ngayong Biyernes, Setyembre 21.

Sa memorandum na nilagdaan ni Fr. Nolan Que, regional trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP)-NCR, ipinaabot sa lahat ng opisyal at pinuno ng CEAP member Catholic Schools ang paanyaya sa pakikibahagi sa mga naturang pagtitipon.

Nakapaloob sa liham na ang hinihinging pakikiisa ng bawat institusyon ay pagpapakita ng pagmamahal sa kasarinlan ng bansa matapos ang diktadurya ng rehimeng Marcos.

Hinikayat ng Pari ang bawat kasaping paaralan ng CEAP na tumugon sa panawagan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP) at Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa isasagawang Mass for Dignity and Peace sa San Agustin Church, ganap na 2:30 ng hapon.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Matapos ang misa ay sama-sama nang magtutungo sa Luneta para makiisa sa mga programang inihanda ng United People’s Action para sa isang grand rally upang manindigan sa panawagan laban sa na diktadurya noon at bantang maulit ito muli ngayon.

Ang CEAP-NCR ay binubuo ng 173 member Catholic schools mula sa walong diyosesis sa NCR.

Kaugnay nito, umapela naman ang Philippine National Police (PNP) sa mga estudyante na huwag lumahok sa nasabing protest action na posibleng magiging madugo dahil lalahukan umano ito ng mga komunistang rebelde.

Sa isang dokumentong nakuha ng Balita sa PNP, nakasaad ang nasabing plano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa ilalim ng “Oplan Aklasan”.

Kaugnay nito, sinuspinde ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang klase sa Maynila ngayong Biyernes, sa bisa ng Executive Order No. 35, Series of 2018, na inisyu ng alkalde kahapon.

Kanselado ang klase sa lahat ng antas sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ngayong Biyernes.

-Mary Ann Santiago at Aaron Recuenco