Nasa balag na alanganin ngayon ang pagsisilbi ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa Malacañang makaraang ihayag ng Palasyo na tatanggapin nito sakaling magdesisyon ang Office of the Ombudsman na sibakin sa puwesto ang kontrobersiyal na entertainer-turned-government official.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang maghain ng reklamo sa Ombudsman ang Philippine Deaf Resource Center laban kay Uson at sa kapwa fellow pro-Duterte social media personality nitong si Andrew Olivar makaraan umanong gawing katatawanan ang sign language.

Hinimok din ng grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin sa serbisyo si Uson.

“Well, let’s wait for the decision of the Ombudsman dahil meron na namang ganyang complaint,” sinabi ni Roque sa press briefing kahapon.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Ayon kay Roque, ipauubaya ng Malacañang sa Ombudsman ang pagpapasya kung sisibakin si Uson sa puwesto. Nilinaw din niyang wala pang dismissal order ang Office of the President (OP) sa ngayon laban sa opisyal.

“Sa ngayon po hindi,” sabi ni Roque nang tanungin kung maglalabas na ba ng dismissal order ang OP laban kay Uson.

“The Ombudsman can already order the dismissal of anyone in government because it is both an administrative and criminal case. Igagalang po ng Palasyo ang proseso.

“Kung sinabi ng Ombudsman sibakin, hindi po natin tututulan ‘yan,” sabi ni Roque.

Muli na namang napagitna sa kontrobersiya sina Uson at Olivar makaraang gayahin ang sign language sa isang video na nag-viral. Narinig pa sa video ang pagtawa ni Uson sa panggagaya ni Olivar.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Philippine Federation for the Deaf, habang kinasuhan ng Philippine Deaf Resource Center si Uson ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, Civil Code of the Philippines, Cybercrime Prevention Act, Magna Carta for Persons with Disability (PWDs), at United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities.

Kapwa humingi na ng paumanhin sina Uson at Olivar—na una nang naging kontrobersiyal sa kanilang viral ding video ng “pepedederalismo”.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS2