Umakyat na sa 65 ang bilang ng kumpirmadong nasawi sa paghagupit ng bagyong ‘Ompong’, matapos mahukay kahapon ang nasa 43 bangkay ng mga minero at kanilang pamilya, na pinaniniwalaang nalibing nang buhay sa isang abandonadong minahan sa Itogon, Benguet.
Nagpahayag ng pangamba si Presidential Spokesperson Harry Roque na patuloy pang madaragdagan ang bilang ng mga nasawi habang patuloy ang isinasagawang rescue and retrieval operation sa lugar.
“As of last night, dito po sa Itogon alone, 43 ang nasawi, isa ang na-recover na buhay at 30 pa po ang hinahanap. This is as of 9 p.m. (Linggo),” sabi ni Roque, habang binabanggit ang ulat na ipinaabot ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Carlito Galvez Jr.
Napag-alamang nasa 100 small-scale miners ang namalagi sa abandonadong minahan na ginagamit na simbahan. Ginamit na silungan ng mga minero ang bunker sa loob ng site habang binabayo ng Ompong ang lugar nitong Sabado, subalit gumuho ito nang magka-landslide.
“May naunang report na pinapaalis na ‘yung mga taong ‘yan sa lugar na ito pero nag-akala ‘yung mga taong ‘yun na ligtas sila sa simbahan na ‘yun. Ginagamit na simbahan pero abandoned facility ito ng isang mining company,” ani Roque.
Samantala, sinabi naman ni Senior Supt. Lyndon Mencio, director of Benguet Provincial Police Office (PPO), na patuloy nilang ginagawa ang lahat upang ma-rescue ang mga nalibing na minero ngunit malaking banta sa kanila ang malambot na lupa sa lugar na nagpapahirap sa operasyon.
“Mahirap kasi sa oras, tapos delikado dahil sa lupa, maraming dapat isaalang-alang. Kagabi lalo, umuulan ulan kaya tinigil namin, nag-pullout kami,” ani Mencio.
Ayon kay Mencio, bandang 12:00 ng hatinggabi nitong Sabado nang nangyari ang insidente sa Barangay Ucab.
Kahapon, nasa 388 tauhan mula sa Regional Mobile Safety Battalion, Regional Intelligence Office, Crime Laboratory, Special Action Force, Philippine Army, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology ng Cordillera ang nagtutulung-tulong sa operasyon.
Sa unofficial report ng PNP, lumalabas na hanggang nitong 9:00 ng gabi ng Linggo, nasa 65 ang bilang ng mga nasawi sa bagyo: 54 sa Cordillera, pito sa Region 2, dalawa sa Region 3, at tig-isa sa National Capital Region (NCR) at Region 1.
Nasa 64 katao naman ang nasugatan: 32 sa Cordillera, 26 sa Region 2, tatlo sa Region 1, dalawa sa NCR, at isa sa Region 3.
Hindi naman bababa sa 43 katao ang patuloy na hinahanap.
-MARTIN A. SADONGDONG, ulat ni Rizaldy Comanda