Lumobo na sa mahigit 30 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Ompong’, batay sa tala ng Philippine National Police (PNP) kahapon ng hapon.
Sa datos bandang 1:00 ng hapon kahapon, nasa 24 na ang nasawi sa Cordillera Administrative Region (CAR), ayon sa report ng Critical Incident Management Committee Center sa Camp Crame, Quezon City. Apat na magkakamag-anak naman ang nasawi sa Nueva Vizcaya, isa sa Ilocos, at dalawa sa Metro Manila.
Sa Cordillera, siyam ang namatay sa Benguet, walo sa Baguio City, anim sa Mountain Province at isa sa Kalinga.
Nasa 28 naman ang nasugatan sa rehiyon, habang 12 ang nawawala.
Kinilala ng Baguio City Disaster Risk and Reduction and Management Council (CDRRMC) ang ilan sa mga nasawi sa landslide sa siyudad na sina Shaina Mae Pascua, 19; at Grace Ganabe, 45, ng Youngland Subdivision, Camp 7; Cynthia Ballingan, 18; Lovely Jane Bulakit, 11; at Jessica Oydoc Glenuar, 18, pawang ng Barangay Bakekang Norte. Nabagsakan naman ng puno si Meriam Behis, ng Camp 7.
Sa Benguet, namatay sa bayan ng La Trinidad sina Silvestre Beljica Mojica, 67; Luke Vicson Mojica, 18; at Kristine Garcia, 43, ng Bgy. Alapang. Nasawi naman sa bayan ng Itogon sina Junjun Bulcio, 28, ng Bgy. Loacan; Hope Coti, 6; at dalawang hindi pa nakikilala na taga-Bgy. Ucab.
Sa Kalinga, nasugatan sa ulo at namatay dahil sa landslide si James Bitao, chairman ng Bgy. Pugong, Pasil.
Patay din sa pagguho ng lupa sa Bontoc, Mountain Province sina Rolando Baggay, 68; Nina Baggay 68; Darwin Minimo, 37; Clyde Minimo, 4; Lani Beth Minimo Baggay, 36; at Kierstinx Mae Minimo, 13 anyos.
Isang pamilya naman sa Bgy. Banao, Kayapa, Nueva Vizcaya, kabilang ang isang 36-anyos na ama at tatlo niyang anak, ang namatay nang matabunan ng landslide ang kanilang bahay, habang isang lalaking naglilinis ng debris sa Ilocos Sur ang nabagsakan ng punong mangga.
Sa Caloocan, nasawi nitong Sabado nang madaganan ng bumigay na pader sa Caloocan City si Cristeta Porras, 58, ng 9th Avenue; samantalang isang babaeng edad siyam hanggang 12 ang lumutang ang bangkay sa Bgy. Maybunga, Pasig City nitong Sabado rin.
Kabilang naman sa kabuuang 11 nawawala sina Jose Oydoc Grenuar, 48; Ruben Garcia Viernes, 65; Celso Calso; John Lee Operania Viernes, 19; Christine Atuban, 41; Edwin Angeles Cabaldo, 59, pawang ng Baguio City; at tatlong iba pa.
Kabilang din sa nawawala ang reporter ng TV5 na si Romel Lopez at dalawa pang miyembro ng kanyang news team, habang nasa kasagsagan ng coverage sa Ompong sa Sta. Ana, Cagayan.
Patuloy pa rin ang malawakang search at rescue operation sa iba’t ibang dako ng Northern Luzon.
Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa 63,769 na pamilya o 250,036 na katao ang naapektuhan ng bagyo sa 30 lalawigan sa Luzon.
Tuluyan nang nakalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Ompong pasado 9:00 ng gabi nitong Sabado, at tinutumbok ang katimugang China.
Inaasahang maaapektuhan ang Hong Kong, kaya naman inalerto na rin ng pamahalaan ang daan-daang libong Pinoy sa estado.
May ulat nina Beth Camia
at Aaron Recuenco
-MARTIN SADONGDONG, RIZALDY COMANDA, at FER TABOY