NGAYONG araw na ang huling episode ng Sana Dalawa Ang Puso nina Jodi Sta. Maria, Richard Yap at Robin Padilla kaya naman lahat ng supporters nila ay malulungkot na dahil tiyak na matatagalan na naman daw bago ulit nila mapanood sina Sir Chief, Martin, at Maya/Mona/Lisa.
Nagpaalam na rin si Jodi sa lahat ng sumubaybay sa Sana Dalawa Ang Puso sa loob ng walong buwan, mula nang magsimulang umere ang serye noong Enero 29.
Nag-post si Jodi ng litrato nila ni Richard at caption niya, “Sir Chief! Oops, wrong teleserye! Thank you to everyone who supported #SanaDalawaAngPuso! Last week na namin. Mamimiss namin kayo!”
Iisa naman ang komento ng lahat ng followers ng aktres, “Hindi pa kami ready na matapos ang teleserye n’yo! Mami-miss namin kayo at best Primetanghali.”
Sinilip naman namin ang IG account ni Richard kung nagpaalam na rin siya pero wala pa. Ang meron lang ay video na tinanong niya si Jodi kung anong tagalog ng ‘I Love You’, na sinagot naman ng aktres ng ‘Mahal Kita’, sabay ngiti ng aktor at bumanat din ng ‘Mahal Kita’ sa leading lady.
Hay naku, kung binata siguro si Richard o Martin, puwedeng maniwala kaming gusto na rin niya talaga si Jodi.
Anyway, ang daming supporters ng naturang serye at sana ay magsama-sama rin sila sa pelikula.
-REGGEE BONOAN