Nananatiling mabuti at matatag ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng pagsirit ng inflation rate ng bansa, inihayag ng Malacañang nitong Martes.

Ibinida ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pagbababa kamakailan ng unemployment rate at umangat na manufacturing sector bilang tanda ng malusog na ekonomiya ng bansa.

“Ang ekonomiya naman bagama’t meron tayong problema sa inflation ay talaga naman pong patuloy ang pag-unlad natin. Ang unemployment rate natin pinakamababa, ang manufacturing rate natin pinakamataas at patuloy pa rin ang pagtaas ng ating GNP,” pahayag ni Roque sa isang panayam.

“Now, kung ang problema ay may inflation at tumaas ang unemployment, meron talagang problema ang ekonomiya,” aniya.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon kay Roque, bumuti ang employment rate sa 94.6 porsiyento nitong Hulyo 2018 kumpara sa 94.4% noong nakaraang taon. Ikonokonsidera itong pinakamataas sa nakalipas na sampung taon.

Dagdag pa niya, bumaba rin sa 5.4% ang unemployment rate nitong Hulyo 2018. Nasa 488,000 trabaho naman ang nalikha hanggang nitong Hulyo, na nagbibigay sa bansa ng 40.7 milyong kabuuang trabaho.

Patuloy din umanong nagpapakita ng magandang senyales ang lokal na manufacturing sector. Lumago umano ang value production index ng 12.2% habang umangat din ang volume of production ng 11.8% nitong Hulyo.

“Kung ang problema ay inflation pero bumaba ang unemployment, mas madami ang nagtatrabaho, ibig sabihin niyon, talagang malakas iyong demand na nagiging dahilan para tumaas ang presyo ng mga bilihin. So ibig sabihin masigla pa rin ang ekonomiya,” ani Roque.

Pinabulaan din ni Roque ang alegasyon ng oposisyon na ginagamit ng gobyerno ang kaso ng amnestiya ni Senator Antonio Trillanes IV, upang ilayo ang atensiyon ng publiko sa inflation.

“Hindi ko po maintindihan ba’t nila sasabihin na naghahanap tayo ng kumbaga parang squid tactics, dahil ang ekonomiya po ay nanatiling malakas,” aniya.

-Genalyn D. Kabiling