SA Rated K episode nitong Linggo, ikinuwento ng dating child actress na si Rhed Bustamante ang kanyang pinagdadaanan ngayon makaraang pansamantalang mawala sa showbiz. Sumikat si Rhed bilang child star sa pelikulang Seklusyon ni Direk Erik Matti. Ngunit nang matapos ang pelikula ay naging mailap kay Rhed ang mga oportunidad.

Rhed

“Akala ko po ‘pag nag-artista ka marami pong mag-offer sa ‘yo pero di po pala gano’n. Hindi rin po pala gano’n ka dali mag-artista po,” lahad ni Rhed sa TV host na si Korina Sanchez.

Ayon pa sa dating child star, naranasan niya at ng kanyang pamilya na mapalayas sa inuupahang bahay at magpalipat-lipat ng tirahan. Naputulan din daw sila ng kuryente. Sa ngayon, ay nagtitinda si Rhed ng pagkain kasama ang kanyang ina sa may PNR train station sa Sampaloc, Manila.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Kasama na sa pagsubok ngayon ni Rhed ang pagkakaroon ng sakit sa balat na incontinentia pigmenti. Ayon sa doctor na tumingin sa kanya sa tulong ng programa, curable naman ito. Pero kapag hindi nagamot, pwede niya itong ikamatay.

Grade six na ngayon si Rhed at gusto pa rin niyang makabalik sa showbiz para maipagpatuloy ang pag-aaral nilang magkakapatid. “Wish ko po may makatulong po sa amin para po sa pag-aaral po namin tatlong magkakapatid.”

Payo din niya sa mga child actors katulad niya, “Wag tayo po mag-eexpect masyado kasi masakit po ‘yun pag hindi po nangyari.”

“Lagi po tayo mag-pray kay Lord,” aniya pa.

Napanood si Rhed sa pelikula ni Erik Matti na Seklusyon, kung saan naging nominado siya bilang Best Actress at nakpag-uwi rin siya ng Special Jury Prize noong 2016. Huling napanood si Rhed sa Kapamilya mini-series na Wansapantaym : Gelli in a Bottle.

-ADOR SALUTA