“THANK you, Manila. We will remember this moment forever.”
Ito ang mensahe ng K-pop boy band na Wanna One na naka-display sa malaking screen sa kasagsagan ng kanilang One: The World concert sa jam-packed Mall of Asia Arena nitong Sabado.
Ang Manila ang huling destinayon ng world tour ng Wanna One, na binubuo ng 14 na siyudad sa 11 bansa, sa loob lamang ng tatlong buwan, for a total of 20 concerts.
Para sa fans, ito ang gabi para ipagdiwang ang musika ng Wanna One at isang itatagong alaala.
Ang tatlong oras na concert ay napuno ng outstanding performances kabilang ang kanilang solo at unit spots.
Sinimulan ng Wanna One ang show nang sayawin nila ang Burn It Up, isang kanta sa kanilang debut album na 1X1=1 (To Be One), na ini-release noong Agosto nang nakaraang taon, na sinundan ng tanyag na Never at Energetic.
Nang itinatanghal naman nila ang Always, iwinagaygay ng fans ang banners na may nakasulat na “Thank you for becoming Wanna One.” At para naman sa I Promise You, itinaas din nila ang banners kung saan nakasulat ang, “We will remember every moment spent with you forever.”Ang iba pang kanta sa kanilang performance ay ang Boomerang, I’ll Remember, Sandglass, Wanna Be, Light, Gold at Pick Me.
Binigyan din ng Pinoy Wannables ng mga pagkain ang Wanna One gaya ng dried mangoes, durian candy, piaya, assorted biscuits at cup noodles, at isang message book, barong Tagalog, key chains at travel pillows, na proyekto ng fans na pinamunuan ng Wanna One Philippines at Wannable Support Manila.
Sinimulan ng Wanna One ang kanilang world tour sa Seoul noong Hunyo na sinundan ng shows nila sa US, Japan, Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand, Hong Kong, Australia, Taiwan at Pilipinas.
-JONATHAN HICAP