ANG mga guro ay ang itinuturing na ikalawang magulang ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan. Pampubliko o pribado man. Nagmumulat sa isip ng mga kabataan tungkol sa mga moral value sa buhay. Tagahubog ng mabuting ugali, asal at kaisipan ng mga batang mag-aaral at kabataan na magiging mga mamamayan sa susunod na henerasyon. Ang mga guro ang nagsasalin ng karunungan upang sa darating na panahon, ang nakamit na karunungan ng mga mag-aaral ay maging kasangkapan sa pagkakaroon ng trabaho at hanapbuhay. Gamitin sa paglilingkod sa mga kababayan, sa bayan at maging sa pamayanan.
May nagsasabi naman na nakikita pa rin sa mga guro, malaki o maliit man ang kanilang suweldo, ang kanilang dedikasyon at commitment sa pagtuturo sapagkat para sa mga guro, ang paglilingkod ang una sa kanilang mga puso. Ang mga guro ang nagsisilbing ilaw ng mga mag-aaral hindi lamang sa pagkakamit ng karunungan at kaalaman. Sila rin ang nagsisilbing halimbawa sa pagkakaroon ng kabutihang-asal.
Sa Rizal, ang mga guro ay hindi nalilimutang bigyan ng pagkilala at pagpapahalaga. Ginagawa ito sa pamamagitan ng Guronasyon, kung saan kinikilala ang mga natatanging guro sa Rizal at ginagawaran ng parangal. Ito ay isang pagpupugay sa mga guro sa paniwalang sa kamay nila nakasalalay ang pagsulong at paghubog sa kabataan sa Rizal.
Bilang pagkilala sa mga guro sa lalawigan, inilunsad na ng Province of Rizal Educational Development Council (PREDAC) noong Agosto ang search ng mga natatanging guro sa Rizal. Ayon kay Dra. Edith Doblada, executive director ng PREDAC, saklaw sa paghahanap ang mga gurong nagtuturo sa DepEd Rizal, DepEd Antipolo, Universityof Rizal System at sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).
Ang paglulunsad ng Guronasyon 2018 ay ginanap sa District Office ni Rizal Representative Michael Jack Duavit sa Barangay Batingan, Binangonan, Rizal. Naging mga panauhin sa paglulunsad ng Guronasyon 2018 sina Dr. Rommel Bautista, ng DepEd Antipolo; Dr. Cristhoper Diaz, OIC ng DepEd Rizal; Dr. Erlinda Pefiangco, Dr. Bibit Duavit, Dr, Edith Doblada, Dr. Marita Canapi, Pangulo ng University of Rizal System (URS); G. Elpidio Mamaril, ng TESDA, Rizal; G. Enrico Quodala, ng Colegio de Montalban, at Dr. Estrella Cinco, ng San Mateo Municipal College.
Ang Guronasyon ay proyekto sa edukasyon na sinimulan ni dating Rizal Congressman Dr. Gilberto Bibit Duavit noong 1994 at kabalikat sa proyekto si dating Rizal Governor Casimiro Ito Ynares, Jr. Sa panahon ng panunungkulan ng dalawang mahusay na lider ng Rizal, kapwa nila binigyang prioridad sa pamamahala ang programa sa edukasyon at kalusugan. Ang Guronasyon ay patuloy na naging bahagi ng programa sa edukasyon.
Makalipas pa ang ilang taon, ang Guronasyon ay isa nang foundation. At upang patuloy pang palawakin at maging mahusay ang programa sa edukasyon sa buong lalawigan ng Rizal, binuo at itinatag ang PREDAC (Province of Rizal Educational Development Council). Sa pamamagitan ng PREDAC, ay naging mahusay, nagkaroon ng sistema at koordinasyon at magkakatulong na inilunsad ang mga programa at proyekto sa edukasyon, mula sa public elementary at secondary hanggang sa kolehiyo at unibersidad.
Sa misyon ng Guronasyon, pinahahalagahan nito ang mga guro na malaki ang itinutulong upang mapataas ang kalidad ng edukasyon. Makikita sa isang isang guro ang pagiging maka-Diyos, maka-kalikasan at makabayan. At naipadadama nila sa mga kabataan ang pagmamahal bilang mga magulang sa paaralan. Gayundin, sinisiguro nilang maitanim sa isipan ng mga kabataan ang pagpapahalaga sa sarili, sa kapuwa at sa kinabukasan.
-Clemen Bautista