SOBRANG bilib na talaga kami sa supporters nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, dahil gumawa sila ng record sa unang araw ng pagpapalabas ng The Hows of Us. Akalain mo, ateng Jet, tumabo ito ng P35,938,622.74 sa first day of showing nito!

Daniel at Kathryn copy

Tatahi-tahimik ang KathNiel supporters habang pinag-uusapan sa social media ang mga pelikulang Miss Granny, Buy Bust, The Day After Valentine’s, at Crazy Rich Asians, at iba pang pelikulang kumita nang husto sa nakalipas na mga linggo.

Heto at may mga niluluto pala ang lahat ng supporters ng KathNiel mula sa Jolo hanggang Aparri, at maging sa ibang bansa, kasama na ang North at South America, ay kasama rin sa planong humakot ng milyones sa unang araw ng The Hows of Us para gumawa ng bagong record.

Rhian Ramos, 'di pabor sa pagkandidatong mayor ni Sam Verzosa?

Nakakatuwa dahil mala-Marvel, Disney at Warner Brothers movies ang kinita ng The Hows of Us, huh?

Sabi ng aming source: “Beyond expected ang first day, akala namin nasa P20M or the most is P25M, eh, lumampas nang sobra.”

Ayon naman sa isa pa naming kausap, umabot na sa P8 milyon ang kinita ng pelikula bandang 3:00 ng hapon pa lang nitong Miyerkules.

Hindi na kami nag-ikot pa sa mga sinehang malalapit sa amin, dahil halos lahat ng kaibigan namin ay iisa ang sinasabi: “Sold out, at wala nang maupuan. Muntik na kaming hindi makaupo.”

Saksi mismo kami rito, dahil sa Gateway Cinema 3 nitong Miyerkules ay hindi kami natuloy sa panonood ng nasabing pelikula. Dalawang upuan na lang ang natira, isa sa itaas at isa sa baba.

“Walang gustong kumuha, kasi puro magkakasama ang nanonood,“ katwiran sa amin ng takilyera sa Gateway.

Kaya ang ending, pinanood na lang namin ang Equalizer ni Denzel Washington, na noong una ay bilang lang sa mga daliri at paa ang kasama naming nakabili na ng tickets. Pero unti-unting dumami ang manonood, marahil sila rin ‘yung mga walang mapuwestuhan sa KathNiel movie.

Bukod sa Equalizer, napunta rin ang karamihan ng mga tao sa Miss Granny ni Sarah Geronimo at sa Crazy Rich Asians.

Akalain mo, marami pa pala ang hindi nakakapanood sa Miss Granny at sa Crazy Rich Asians? Ayaw namang umuwi pa ang mga hindi nakapanood ng The Hows of Us kaya pinanood ang dalawang nabanggit na pelikula. Malaking factor din kasi na magaganda ang feedback ng lahat ng nakapanood sa unang screening nito, kaya naman bukod sa KathNiel supporters ay nakipila rin ang ibang tao. Curious sila, at siyempre ay kinikilig din sa dalawang bida.

Anyway, habang tinitipa namin ang balitang ito ay nakarating sa amin na magdadagdag ng sinehan nationwide para sa The Hows of Us.

Congratulations to KathNiel and Star Cinema, at siyempre, kay Direk Cathy Garcia-Molina. Kabogera ka talaga, direk! Congrats din sa lahat ng supporters nina DJ at Kath, dahil nagtagumpay kayo sa pasabog ninyo.

-REGGEE BONOAN