SUREFIRE box office formula ng Star Cinema sina Direk Cathy Garcia Molina at ang KathNiel love team nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Kathryn, Daniel, at Direk Cathy

Unang project nila ang blockbuster hit na Got To Believe noong 2013 kasunod ang She’s Dating The Gangster (2014) na tumabo rin sa takilya. Si Direk Cathy rin ang gumawa ng pilot weeks ng top-rated na mga seryeng Pangako Sa ‘Yo (2016) at La Luna Sangre (2017).

Ang bagong pelikula nilang The Hows of Us na ipapalabas sa August 29 ang isa sa limang huling pelikula ni Direk Cathy bago siya magretiro next year. Ang iba pang gusto niyang igawa ng pelikula bago siya tumalikod sa showbiz ay sina Sharon Cuneta at Richard Gomez, Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, Sarah Geronimo o Bea Alonzo.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

“Since Got to Believe, I have learned to love the two, not just as actors, but parang anak-anakan ko. Sabi ko nga, ito, bunso ko ‘to,” sabi ni Direk Cathy sa media launch ng The Hows of Us. “But beyond that, I really believe in the talent that these two have. And I know that in my want to make stories and tell new stories, ikalulungkot ko kung meron akong ikukuwentong maganda na hindi sila ang gaganap.”

Sinulat ni Carmi Raymundo ang script ng pelikulang tatalakay sa mabilisang pagsuko ng lovers, lalo na ng millennials, kapag nahihirapan na sa trabaho o relasyon.

“This is one question that I’ve been meaning to ask the millennials,” sabi ni Direk Cathy. “I’ve been doing research and I have heard this so many times and nalulungkot ako. Gusto kong gawan ng kuwento ito, at gusto kong maniwala na meron pang reason to stay in a relationship, for a long time, just like how I have always wanted.”

Interesado si Direk Cathy na ihambing ang mga relasyon ngayon sa namasdan nating pagsasama ng couples noong mga nakaraang panahon, lalo na ang mga magulang natin.

“Kasi iniisip ko, paano pala makikipagrelasyon ang mga anak ko?” aniya pagkatapos ng open forum ng media launch. “Gusto ko, hindi sila basta-basta susuko sa relasyon nila. Kung marami mang dahilan para umalis, sana magtiyaga pa rin silang maghanap ng kahit isang reason to stay.

Kasi gano’n pa rin ang gusto ko sa relasyon, ‘yung kagaya ng nakita ko sa parents ko at sa mga kaedad nila. Gano’ng relasyon din ang hinahanap ko at gusto kong mangyari sa akin.”

Isa sa super successful pero nanatiling pinaka-sensible na filmmamers natin si Direk Cathy. Sana rin, may kahit isang rason siyang makita para huwag tuluyang tumigil sa paggawa ng pelikula.

-DINDO M. BALARES