BUBUKSAN na sa Oktubre ang bagong paliparan sa Bohol.

Ibinahagi ng Department of Transportation (DoTr) na 92.14 porsiyentong buo na ang New Bohol Airport nitong Hulyo 31, higit na maaga sa 2021 na target.

Sinimulan ang pagtatayo ng paliparan noong 2015, ngunit nagkaroon ng mahigit 48% slippage dahil sa mga pagkaantala.

“We needed a catch-up plan for the Panglao airport. The 2021 target is just too long. How can you explain to the people that it took you six years to build an airport? Kinailangan po nating habulin at iyon po ang ginawa natin,” pahayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade nitong Linggo.

Kasama ang mga opisyal ng paliparan, ininspeksiyon kamakailan ni Tugade ang isinasagawang konstruksiyon mula sa runway hanggang terminal, perimeter fence at ang sewerage treatment system upang masiguro ang pagtatapos ng proyekto.

Simula nang maupo ang bagong administrasyon noong Hulyo 2016, ipinag-utos na ni Tugade ang 24 na oras na konstruksiyon para mabilis na matapos ang paliparan. Kung saan nakitaan ng pagbilis mula sa 6.48% na naitala mula noong Hunyo 22, 2016 hanggang Hunyo 30, 2016.

Lumundag umano sa halos 85.66% ang bilis ng pagtatayo sa loob ng dalawang taon.

Sa oras na magbukas, ang Panglao Airport ang magiging first eco-airport ng bansa sa paggamit nito ng natural na bentilasyon habang ikakabit ang mga solar panel sa bubungan ng passenger terminal na sasakop sa halos ‘one-third’ ng kailangang kuryente ng gusali.

“Everyone should be excited about Panglao airport. I am very excited. This is the kind of airport that we should be building, an airport that has regard for the environment and the future generations,” paliwanag ni Tugade.

Inaasahan ang pagdagsa ng mas maraming turista sa Bohol dulot ng proyekto na pinapalagay na kayang tumanggap ng hanggang dalawang milyong pasahero.

PNA