Aminado ang Pangulo na nakararanas siya ng “perpetual pain” dulot ng aksidente sa motorsiklo ilang taon na ang nakararaan, ngunit siniguro na mahaba pa ang kanyang buhay.

Sa kanyang unang pagharap sa publiko sa Cube City mula nang lumabas ang alegasyon na na-comatose siya nitong nagdaang linggo, siniguro ng Pangulo sa publiko na nagpapahinga lamang siya sa kanyang bahay sa Davao City sa mga nakalipas na araw.

“Comatose, comatose ka diyan...comatose, matagal pa ako,” pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati bago ang pagpupulong ng mga alkalde mula sa Visayas, sa Cebu city nitong Martes ng gabi.

Gayunman, inamin ng Pangulo na nakararamdam siya ng “constant pain” matapos ang isang aksidente sa motorsiklo ilang taon na ang nakalilipas. Simula nang mangyari ang insidente nahihirapan na umano siyang sumakay ng eroplano dahil madalas na siyang mahilo.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

“I have a C4 and C7 na nag-impinge. That’s why I am in perpetual pain. On the—on any day, it’s seven in a scale of 10,” aniya.

Inabisuhan din umano si Duterte ng kanyang doktor na iwasan ang madalas na pag-inom ng mga painkiller. “Sabi niya ‘You better come to terms with your body.”

Ang pag-amin ng Pangulo hinggil sa kanyang iniindang spinal pain ay tugon sa kumalat na espekulasyon tungkol sa kanyang kalusugan.

Samantala, siniguro naman ng Palasyo na susundin ni Pangulong Duterte ang nakasaad sa Konstitusyon at ipapaalam sa publiko kung sakaling dumaranas ito sa seryosong karamdaman.

Sa isang panayam kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa radyo, kinilala niya ang karapatan ng publiko na malaman ang impormasyon tungkol sa kalusugan ng Pangulo, lalo at nakaaapekto ito sa kakayahan nitong pamunuan ang bansa.

“Ang Presidente po ay abogado, kung meron siyang matinding karamdaman, susunod po siya sa Saligang Batas, doon po siya magbibigay ng impormasyon tungkol sa kanyang kalusugan,” pahayag ni Roque.

“Nakasulat po doon, kapag merong matindi at seryosong karamdaman ang Presidente, kinakailangan isapubliko iyong kanyang impormasyon tungkol sa kanyang kalusugan,” dagdag ni Roque.

-Nina Genalyn D. Kabiling at Argyll Cyrus B. Geducos