Umapela kahapon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang manufacturer sa bansa na huwag munang magtaas-presyo sa kanilang produkto hanggang sa matapos ang 2018.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na pakikiusapan ng kagawaran ang mga manufacturers ng sardinas at iba pang de-latang pagkain, kape, gatas, at condiments na huwag munang magpatupad ng price hike sa kanilang mga produkto, lalo na at ilang araw na lang ay “ber” months na.

Aminado naman si Castelo na ang pakiusap ng DTI sa manufacturers ay posibleng mapagbigyan lang ng hanggang tatlong buwan.

Ang nasabing hakbangin ng DTI ay bunsod ng matinding himutok ng mga mamimili, partikular ng mga nanay, na hirap na sa pagba-budget dahil kakaunti na lang ngayon ang nabibili ng P1,000, dahil sa mataas na presyo ng bilihin sa mga pamilihan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kasabay nito, hiniling din sa DTI ng grupong Laban Consumers na magpatupad ng moratorium ang kagawaran laban sa taas-presyo ng mga produkto bago pumasok ang ber months, mahigit isang linggo simula ngayon.

Ayon kay dating DTI Usec. Atty. Vic Dimagiba, convenor ng naturang grupo, awtomatikong tumataas ang presyo ng mga bilihin pagsapit ng ber months.

Nais din ni Dimagiba na maisama sa price moratorium ang agricultural products, tulad ng manok, baboy, baka, at isda, gayundin ang gulay, na may suggested retail price (SRP).

Aniya, magandang timing sakaling ipairal ang moratorium bago ang ber months dahil sa nasabing panahon tumataas ang demand o pangangailangan ng consumers, habang marami naman ang supply ng mga produkto.

Katwiran naman ni Stephen Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarket, Inc., hindi magtataas ng presyo ang mga pamilihan kung walang dahilan.

Aniya, groceries at supermarkets lang ang nagbebenta, pero kung sakaling magtaas ng presyo ang manufacturers ay tiyak din na dadagdagan nila ang presyo ng mga ibinebenta nilang produkto.

-BELLA GAMOTEA