KUNG baligtad na ang mundo, maniniwala ka sa mga troll na mukhang nag-o-overtime sa pambaba-bash kay Kris Aquino simula nang lumabas siya nitong nakaraang Lunes ng gabi para magkawanggawa sa mga kababayan nating binaha sa Marikina.
Gusto ko na tuloy magsisi sa pagpapadala sa kanya ng mga litratong kuha sa evacuation centers. Parang ako tuloy ang may kasalanan. Namamahinga si Kris simula Linggo, forced complete bed rest na utos ng doktor, dahil bagsak ang blood pressure niya. Pero hindi ko alam na nilimitahan din pati ang pagbutingting niya sa social media. Kaya napadalhan ko pa tuloy ng photos.Nasa 80/55 ang BP ni Kris paggising nang araw na ‘yun. Bandang tanghali ko nai-send ang photos.
Natuwa siya sa maayos na cubicles na pansamantalang tirahan ng nga bakwit sa Marikina at Makati at napag-usapan namin sa pamamagitan ng personal messaging kung bakit mukhang walang relief operations. Ang sabi ko, medyo naghihigpit ng sinturon ang mga tao.Bandang alas sais ng gabi, bigla siyang may mensahe na pupunta raw siya sa Marikina.
Na nagpapabili na siya ng relief goods sa staff niya sa SM Hypermart at Puregold.Panay ang pigil ko, nag-suggest na ipamahala na lang niya sa mga tao niya ang pamamahagi ng tulong niya.“Delikado ka sa 80/55 na BP mong ‘yan,” sabi ko.Sabi ba naman, at ipinagmalaki pa, “90/70 na, Kuya Dindo!” Iba pa rin daw ang may napakain na, may mapapangiti pa siya.
“Di pa rin normal ‘yang BP na ‘yan, Krisy!”Useless ang pagkontra, lalo na nang sabihin niyang, “This is part of my life’s purpose.”
At may katwiran din naman siya: “Nakita ko, Kuya Dindo ‘yung need -- so GO. Tatayo. ‘Di p’wedeng gown lang ang ‘nirampa.”Bandang 10 PM na siya nakapag-distribute ng tulong sa H. Bautista Elementary School (na aliw na aliw siya, dahil sa... alam na this!).
Dahil yata napamukhaan ang mga traditional politician na ni ha, ni ho sa kalagayan ng evacuees, ipinadumog sa kanilang trolls si Kris.Nagkataon lang na ito ang naging viral na kawanggawa ng Queen of All Media. May nalaman kasi akong tuluy-tuloy na charity works niya sa iba’t ibang parokya at komunidad ng mga maralitang tagalungsod, simula sa feeding programs hanggang sa katekismo. Kapag nag-viral din ito, baka mag-riot na ang mga trapo at hired trolls nila. Ang tumutulong na ang pinalalabas na masama. Bida na ang wala anumang ginawa para sa kapakanan ng kapwa.
Ang kabutihan sa lahat ng ito, wala nang matinong tao na naniniwala sa trolls.Dahil likas pa ring marunong tumingin ng mabuting puso ang mga Pilipino.Sa tulong ng Panginoong Diyos, hindi pa rin nila tuluyang nababaligtad ang mundo.
-DINDO M. BALARES