Ipinaaresto ng babae ang kanyang mister na pulis dahil sa umano’y pambubugbog nito sa kanya at pagtutulak ng ilegal na droga sa Barangay Central Signal, Taguig City, nitong Miyerkules.

Iniharap nina Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde at National Regional Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa mga mamamahayag ang suspek na kinilalang si PO1 Jeffrey Amador, na dating nakatalaga sa Taguig City Police Station (TCPS) at inilipat sa Southern Police District – Special Operations Unit (SPD-SOU).

Ayon kay Eleazar, si Amador ay nag-absence without leave (AWOL) makaraang magbigay ng babala ang PNP laban sa mga tiwaling pulis.

Sabi naman ni Albayalde, matagal nang minamanmanan ng awtoridad si Amador dahil sa umano’y pagtutulak ng droga.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Tuluyang inaresto ang suspek nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang misis ni Amador na kinilalang si Michelle Amador, upang ireklamo ito ng pambubugbog.

Inamin umano ni Michelle na sangkot ang kanyang mister sa kalakaran ng ilegal na droga.

Dahil dito, agad bumuo ng grupo ang Southern Police District Office (SPDO) at nagsagawa ng buy-bust operation laban kay Amador.

Hindi na nakapalag ang suspek nang posasan ng mga kabaro.

Narekober sa suspek ang limang pakete ng hinihinalang shabu at isang cal 45 baril.

Kakasuhan si Amador ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 9262 (Violence Against Women and Children).

-FER TABOY at BELLA GAMOTEA