SINOPRESA ng De La Salle University ang reigning UAAP champion National University sa loob ng apat na sets, 27-25, 27-25, 17-25, 25-17, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo kahapon sa men’s division ng 2018 Premier Volleyball League Collegiate Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Ayon kay La Salle coach Norman Miguel, nagsilbing susi sa kanilang panalo ang nakuhang kumpiyansa mula sa pinpoint passing.
“Nung nakita lang namin yung sa technical skills, gumanda yung passing namin, tsaka yung floor defense namin, it follows na nagkaroon na rin kami ng block, nagkaron kami ng atake, dun kami nanggaling kanina. Simulan natin sa magandang passing, block tayo, ayun nakakapuntos naman,” pahayag ni Miguel.
Dahil dito, naging madali na para sa kanilang setter na si Wayne Marco ang isaayos ang opensa ng Green Spikers sa itinala nyang 32 excellent sets.
Tumapos namang topscorer para sa naturang upset win si team captain Cris Domago na may 17 puntos.
Lamang pa ang NU sa attacks at serves , 55 - 8 kumpara sa 52-5, ng DLSU , ngunit ipinagkanulo sila ng kanilang errors na umabot ng 33 lalo na sa crucial stretches ng mga sets.
Dahil sa panalo, umangat ang La Salle sa 2-4 na marka.
Nawalan ng saysay ang game high 30 puntos ni Bryan Bagunas dahil hindi nito naisalba sa kabiguan na pumutol sa kanilang 5-game winning run ang Bulldogs.
Ginapi naman ng Far Eastern University ang Arellano University, 22-25, 25-20, 25-16, 25-20.
Nanguna sa koponan ni coach Rey Diaz sina liberos Vince Lorenzo at Jeremiah Barrica na kumana ng tig-24 excellent receptions.
Kumana naman si John Paul Bugaoan ng 12 attacks at six kill blocks para sa kabuuang 18 puntos.
-Marivic Awitan