ALIW na aliw kaming makinig sa mga komento ng mga katoto, ng ilang talent managers, at mga direktor tungkol sa mga pelikulang kasama sa 2018 Cinemalaya, na napanood na nila sa Cultural Center of the Philippines (CCP), at sa mga sinehan kung saan palabas ang sampung pelikula.

Kanya-kanyang kuwento ang mga kausap namin; may mga pinuri to the max sila, at may mga inilaglag din.

“Yung isang pelikula, antok na antok ako, muntik ko nang layasan. Kaso sayang ipinamasahe ko para lang pumunta rito (CCP). Mas mahal pa pinamasahe ko kaysa sa bayad ng ticket na P150 each.

“Paanong hindi ka aantukin, gulung-gulo ako sa shots at dialogue, parang hindi pinag-isipan. Kaya inantok ako kasi nahilo ako sa camera works,” mahabang komento ng isa.

Tsika at Intriga

Cristine Reyes, Marco Gumabao in-unfollow na ang isa't isa

“‘Yung isa naman parang school project ang pagkakadirek. Feeling ko naglaro si direk. Wala lang, gusto siguro niyang masabing napasama na siya sa Cinemalaya at makatuntong sa stage sa gala night nila,” anang isa pa.

“Chararat ‘yung isang pelikula na halos kapareho rin nu’ng isang entry. Parehong may mga problema ang bida sa dalawang pelikulang magkapareho ng kuwento. Medyo light lang at believable ‘yung pangalawa,” kuwento naman ng isa pang kausap namin.

“May dalawa akong personal favourites. Malinis ang script, maganda ang pagkakadirek. Mahusay ang mga artista at ang galing ng DOP (director of photography),” sabi naman ng movie reviewer na ayaw ipabanggit ang pangalan, dahil kaibigan niya ang mga direktor at producers ng ibang entries.

“’Yung isa naman, sumobra sa budget ang nagastos. Good thing maayos naman ang pagkakagawa. Ang tanong, mababawi kaya nila ang puhunan,” sabi naman ng kilalang movie personality.

Hay naku, Ateng Jet, kanya-kanyang punto ang mga nagkukuwento tungkol sa mga entry sa 14th Cinemalaya. Susubukan naming panoorin lahat ng entries para malaman kung bakit hindi nasiyahan o nagandahan ang ibang nakapanood, at kung ano ‘yung sinasabing dalawang personal favorites.

-REGGEE BONOAN