HINDI nakarating sa gala night nitong Lunes sa Cultural Center of the Philippines ang isa sa producers ng 2018 Cinemalaya entry ng Spring Films/A-Team/Awkward Penguin na Kuya Wes na si Piolo Pascual. May prior commitment kasi siya kaya sina Erickson Raymundo at Binibining Joyce Bernal lang ang nakarating.
Ang Kuya Wes ay pinagbibidahan ni Ogie Alcasid, na nagtatrabaho sa isang remittance center. Kasama rin sa movie sina Ina Raymundo, Alex Medina, Karen Gaerlan, at Moi Marcampo, sa direksiyon ni James Robin Mayo.
Nangyayari sa totoong buhay ang kuwento ni Kuya Wes (Ogie), na nakikitira sa kapatid niyang lalaki (Alex) na may pamilya na. Tinokahan siya nito na sagutin ang bayad sa kuryente at pamalengke, at nauutusan pang maglaba ng uniporme ng mga pamangkin.
Sa anim na buwang pamamalagi ni Kuya Wes sa bahay ng kapatid niya ay hindi man lang siya nakatikim ng importansiya, at hindi rin siya isinasama sa mga lakad ng pamilya.
Sumasaya lang si Kuya Wes tuwing ika-16 ng buwan dahil kumukuha ng remittance ang babaeng crush niya, si Ina. Nagtatrabaho sa ibang bansa ang asawa ni Ina, at may dalawa silang anak na babae.
Hanggang isang araw ay malungkot na dumating si Ina sa remittance center para kunin ang padala ng asawa, pero walang pera maski na ilang beses nang tsinek nina Kuya Wes at Moi.
At dito na inamin ni Ina na alam niyang wala nang padala ang asawa niya, pero ayaw niyang aminin ito sa mga anak niya. Naawa si Kuya Wes kay Ina at inabutan ito ng pera.
Hanggang sa naging habitual na ang pagbibigay ni Kuya Wes ng tulong pinansiyal kay Ina, kaya naman nakakaligtaan na niyang mag-abot ng ambag sa kuryente at pamalengke, na ikinatataka ng kapatid niya. Bakit daw siya nawawalan ng pera gayung wala naman siyang ibang pinagkakagastusan?
Panay naman ang paalala sa kanya ng kaibigan at kaopisinang si Moi na tigilan na si Ina dahil pamilyadong tao ito. Pero katwiran ni Kuya Wes, hiwalay na si Ina, at sumasaya siya sa pagtulong dito dahil in-love siya.
Hindi lang ang pagbibigay ng kunwaring remittance ang ginagawa ni Kuya Wes, pati uniporme ng mga anak ng babaeng mahal niya ay sinagot na rin niya.
Heartwarming ang kuwento ng Kuya Wes, maganda ang script kaya lang hindi naipaliwanag kung bakit ganu’n ang ugali ng bida. Kumbaga walang back story.
Anyway, mahusay talaga si Moi sa pagpapatawa dahil hindi hard sell ang mga hirit niya. Sana mas mapanood pa namin ang komedyana sa mga pelikulang hindi produced ng Spring Films, dahil parang lumalabas na kaya lang siya nagkakapelikula ay dahil isa sa producers ang amo niyang si Piolo.
Mas magandang panoorin ang Kuya Wes para mas maramdaman ng bawat manonood ang pinagdadaanan ng bida.
Abangan ang schedule ng Kuya Wes sa CCP at sa ilang Ayala Cinemas, Gateway, Greenbelt, Up Town Center, na showing hanggang sa Linggo, Agosto 12.
Supportive talaga ang talents ng Cornerstone Inc. dahil namataan namin ang ilang artists nila sa gala night. Nandun din ang mga staff ng ASAP para suportahan ang isa sa main hosts nila, at siyempre naroon din ang only wife ni Ogie na si Regine Velasquez at anak niyang si Leila.
-Reggee Bonoan