Mga Laro ngayon
(Filoil Flying V Center)
8:00 n.u. -- San Beda vs Mapua (jrs)
10:00 n.u. -- San Sebastian vs EAC (jrs)
12:00 n.t. -- San Beda vs Mapua (m)
2:00 n.h. -- San Sebastian vs EAC (m)
4:00 n.h. -- Lyceum vs Perpetual (m)
6:00 n.g. -- Lyceum vs Perpetual (jrs)
TARGET ng season host University of Perpetual Help na mapagtagumpayan ang hangarin na hindi nagawa ng unang limang koponan – talunin ang league leader Lyceum of the Philippines University.
Haharapin ng Altas (2-1) ang walang talong Pirates (5-0) sa tampok na laro ngayon sa NCAA Season 94 men’s basketball elimination sa FilOil Flying V sa San Juan.
Mauuna rito, itataya rin ng reigning back-to-back champion San Beda University ang malinis na markang 3-0 upang tumatag sa ikalawang puwesto sa pagtutuos nila ng Mapua ganap na 12:00 ng tanghali.
Susundan ito ng tapatan ng San Sebastian College (2-3) at winless pa rin pagkaraan ng apat na laro na Emilio Aguinaldo College ganap na 2:00 ng hapon.
Bagama’t wala pang talo, hindi puwedeng mag relax na lamang ang Pirates ayon sa kanilang coach na si Topex Robinson dahil wala aniyang gustong gawin ang lahat ng kalaban nilang teams kundi ang sila’y talunin.
“We know that teams are not gonna take us lightly. Gone are the days when we’re a team that were not taking seriously,” pahayag ni Robinson. “We expect these games to be tighter. It’s gonna benefit us because we’re always gonna be on our toes.”
Sa kabilang dako, talagang dapat nilang seryosohin ang Altas na malaki ang iniangat sa kanilang performance sa ilalim ng bagong coach na si Frankie Lim.
Patunay dito ang kanilang Cameroonian center na si Prince Eze na lumutang ang tunay na potensyal kapwa sa opensa at depensa mula sa pagiging dating back-up lamang sa dating kapwa foreign player na si Bright Akhuettie.
Inaasahang matindi ang mamamagitang match-up sa pagitan nila ni Pirates big man Mike Nzeusseu sa ilalim habang aabangan din ang ipapakitang laro ng impresibong transferee na si Edward Charcos kontra sa backcourt ng kalaban na pangungunahan ni last year top rookie JC Marcelino at reigning MVP CJ Perez.
-Marivic Awitan