Sinabing “the pain lasted for only 24 hours,” nanawagan si dating speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa mga kasamahan niya sa PDP-Laban na isantabi ang political differences para sa pagkakaisa ng partido.

Iginiit ni Alvarez, PDP-Laban secretary-general, na wala siyang hinanakit sa mga kapartido na bumoto para abandonahin siya noong Hulyo 23 at inihalal si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang Speaker.

Nagtalumpati ang dating House leader sa PDP-Laban national leadership meeting na ipinatawag ng mga opisyal kasunod ng kaguluhan sa House of Representatives, at paghalal ng bagong party leaders ng isang grupo ng mga umano’y renegades.

May 50 PDP-Laban congressmen ang dumalo sa party caucus na ginanap sa isang hotel sa Quezon City. Dumalo rin ang 110 pang national leaders sa pamumuno ni Senator Aquilino Pimentel III, party president.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Idiniin man niya na hindi sumama ang kanyang loob, sinabi ni Alvarez na hindi na magbabago ang kanyang desisyon na umalis sa super majority na kanyang nilikha. Idineklara ni Alvarez na sumali na siya sa minority faction na pinamumunuan ni ABS Partylist Rep. Eugene Michael De Vera.

Dalawa sa 14 senior congressmen na unang sumama kay Alvarez at kumala sa super majority ang nagbago ng isip at muling tinanggap ng majority bloc ni Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr.

Inangkin ni De Vera ang liderato ng minority bloc nang bumoto si Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez at 15 iba pang miyembro ng dating opposition group para maging speaker si Arroyo.

Sinuportahan ni dating majority leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas si De Vera, sinabi na iaakyat nila ang isyu sa Supreme Court sakaling hindi kilalanin ng liderato ni Arroyo ang kanilang grupo, na ngayon ay nasa 14 na.

Samantala, iginiit ni Suarez na siya pa rin ang lider ng minority, at kinikilala ito ng majority bloc.

Sa press conference nitong Miyerkules, ipinahayag ni Suarez na inalis na si De Vera sa puwesto nito bilang deputy minority leader at pinatalsik sa kanilang grupo.

-BEN R. ROSARIO