Umalma ang mga may-ari ng karinderya sa panibagong taas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG), na ipinatupad kahapon.
Sa pangunguna ng Petron, nagtaas ito ng P1.75 sa kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas, o katumbas ng P19.25 na dagdag-presyo sa bawat 11-kilogram na tangke ng LPG nito.
Bukod pa rito ang P1.00 taas-presyo sa kada litro ng Xtend Auto-LPG, na ginagamit sa mga taxi.
Ang bagong dagdag-presyo sa cooking gas ay bunsod ng pagtaas ng presyuhan at demand ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, hindi naman napigilan ng mga may-ari ng karinderya na pumalag sa LPG hike dahil todo-higpit na umano sila sa pagtitipid dahil tumaas pa ang presyo ng pangunahing bilihin kabilang ang mga gulay, isda, karne at iba pang sangkap sa pagluluto.
Sa kabilang banda, tiniyak naman ng Department of Energy (DoE) na nakaantabay ito sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
-Bella Gamotea