Handa na si Pangulong Duterte na suspendihin o sibakin sa serbisyo ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mayroong “superstar complex” ngunit bigong masolusyunan ang talamak na ilegal na droga at krimen sa kanilang nasasakupan.

Ayon sa Pangulo, mas nanaisin niya na magkaroon ng kapangyarihan, hindi kontrol, sa mga lokal na opisyal upang matukoy ang mga tiwaling opisyal na nagpapabaya sa kanilang tungkulin.

“I can either suspend you or I can just dismiss you from the service,” banta ng Pangulo nang dumalo sa security assembly sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.

“So kung may crime, the crime is repeatedly committed, mga droga. Patatanggalan kita talaga ng pulis. May mga—itong mga—superstar complex kasi ‘yan eh. Lalo na ‘yung matagal na, family of politicians,” pagpapatuloy pa niya.

Northeasterly windflow, patuloy na umiiral sa Extreme Northern Luzon

Siniguro ng Punong Ehekutibo na kaya niyang magpataw ng parusa sa sinumang tiwaling opisyal, kahit wala pang desisyon ang Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.

“Ang Ombudsman kaya niyang gawin. Ang Sandiganbayan kaya rin niyang gawin. ‘Di unahan ko na kayo. Bakit pa ako maghintay? I will just suspend you, for as long as itong mayor na may control sa pulis,” paliwanag pa ni Duterte.

Nitong nakaraang Hunyo, nagbanta ang Pangulo na tatanggalan niya ng supervision at control sa mga pulis ang mga alkalde kapag bigo pa rin ang mga ito na payapain at ayusin ang kani-kanilang nasasakupan.

Inatasan na rin nito si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na i-audit ang performance ng mga alkalde sa kanilang kampanya laban sa krimen at ipinagbabawal na gamot

-Genalyn D. Kabiling