Puntirya ngayon ng Philippine National Police (PNP) na maaaresto ang kapatid, bayaw at limang umano’y hitman ni dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog dahil sa pagkakasangkot umano ng mga ito sa Parojinog drug syndicate.

Kinilala ni Chief Insp. Jovie Espenido ang mga ito na sina Daisy Parojinog-Salas at asawang si Artemio Salas, na security officer ng napatay na si Mayor Reynaldo Parojinog, Sr.

Tinutugis din ng pulisya ang lima pang umano’y hitman ng nasabing sindikato.

Aminado si Espenido na malaki pa rin ang impluwensiya ng pamilya Parojinog sa sindikato, kahit pa nanamlay umano ang bentahan ng ilegal na droga sa Ozamiz City.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kamakailan, nagtungo si Espenido sa Camp Crame kung saan nakakulong si Parojinog upang kausapin ito at makakuha pa ng mahahalagang impormasyon kaugnay ng lawak ng operasyon ng nasabing drug syndicate.

Iniuwi sa bansa si Parojinog nitong Biyernes matapos matimbog sa Taiwan sa kasong illegal entry.

Matatandaang ibinunyag ng PNP na tukoy na nila ang nagkanlong kay Parojinog nang magtago ito sa Taiwan sa loob ng siyam na buwan.

Tumakas sa bansa ang dating konsehal kasunod ng pagsalakay sa bahay ng kanyang pamilya sa Ozamis City na ikinasawi ng alkalde at mahigit 10 iba pa, habang naaresto naman ang mga kapatid niyang sina Vice Mayor Nova at Reynaldo Jr. noong nakaraang taon.

-Fer Taboy