May 23, 2026

Home BALITA

Masyado silang nakatingin sa 2028!' Ombudsman Remulla, may pasaring sa ilang senador

Masyado silang nakatingin sa 2028!' Ombudsman Remulla, may pasaring sa ilang senador
Photo courtesy: MB File photo

Pinuna ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang ilang miyembro ng Senado dahil umano sa labis na pagtutok sa nalalapit na 2028 elections sa halip na tugunan ang mahahalagang isyung kinakaharap ng bansa at ng mga Pilipino.

Sa panayam ng isang radio news program nitong Sabado, Mayo 23, sinabi ni Remulla na mas dapat pagtuunan ng mga mambabatas ang kanilang tungkulin, partikular ang mga usapin tungkol sa ekonomiya, overseas Filipino workers (OFWs), at ang nagpapatuloy na krisis sa Middle East.

“Masyado sila nakatingin sa 2028. Ngayon madaming problema ang bayan. Yun muna. Tsaka na yung 2028. Do your duty, perform. Ganon lang ‘yan,” ani Remulla.

Hindi naman niya pinangalanan kung sino-sinong senador ang tinutukoy niyang umano’y maagang namumulitika para sa susunod na pambansang halalan.

Nagbigay rin ng patama ang Ombudsman sa ilang mambabatas na aniya’y mas inuuna umano ang pagpapaporma kaysa paggawa ng makabuluhang trabaho.

National

'Let me be the one to serve the warrant?' NBI Dir. Matibag, tiniyak na mali si Atty. Bondoc

“If you will not perform, don’t japorm. Ayaw ng tao ng porma nang porma,” dagdag niya.

Ayon kay Remulla, kapansin-pansin umano ang kakulangan ng seryosong talakayan sa Senado hinggil sa mahahalagang pambansa at pandaigdigang isyu.

“Wala naman akong naririnig na privilege speeches nila about the crisis in the Middle East, about the plight of OFWs, the economy. Nawawalan ng intellectual content,” aniya.

Hinimok din niya ang mga senador na maglatag ng mas malalim at makabuluhang diskusyon upang makatulong sa publiko na maunawaan ang mga kasalukuyang suliranin ng bansa.

“Lagyan naman nila ng intellectual content, debatable propositions para magisip naman ang tao kung anong dapat gawin. How to cope with the realities of today,” sabi pa ni Remulla.

Binigyang-diin din ng Ombudsman na mahalagang mapanatili ng Senado ang imahe nito bilang institusyon ng mga “senior statesmen” na inaasahang may sapat na karunungan at kahandaan sa pagharap sa mabibigat na usapin ng bansa.

“Kaya natin sinasabi ‘yan kasi gusto natin ang mga senators mabigyan ng benefit of the doubt na they are important to the country. Otherwise, kung ganyan lang, mag-unicameral na lang tayo kung ‘di kaya dalhin ang responsibilidad na maging senior statesman,” aniya.

Dagdag pa niya, ang tunay na diwa ng pagiging senador ay pagiging kabilang sa mga “wise men of the country” na may sapat na talino at maturity sa pamumuno.

“Ang image ng senator sa talagang intent of the law, these are the wise men of the country. Dapat matatalinong tao ‘yan na talagang marunong tumingin sa problema, pati maayos, very mature. Kaya tama na ‘yung mga ganong asal,” dagdag ni Remulla.

Nakatakdang idaos ang susunod na national at local elections sa Mayo 2028.