May 23, 2026

Home BALITA National

'Let me be the one to serve the warrant?' NBI Dir. Matibag, tiniyak na mali si Atty. Bondoc

'Let me be the one to serve the warrant?' NBI Dir. Matibag, tiniyak na mali si Atty. Bondoc
Photo courtesy: HOR, File Photo

Tiniyak ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na wala raw sa batas na puwedeng tanggapin ng isang abogado ang isang arrest warrant at personal nila itong isilbi sa kanilang kliyente. 

Matatandaan kasing naging usap-usapan sa publiko ang naging pahayag ng tumatayong legal counsel ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc nang makapanayam siya ng batikang mamamahayag na si Ces Oreña-Drilon noong Mayo 19, 2026. 

Tila naging mainit kasi ang tensyon sa pagitan nina Bondoc at Drilon kaugnay sa pag-uusap nila tungkol sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Dela Rosa at nasabi ng abogado na trabaho daw nilang tanggapin at isilbi nang personal sa senador ang naturang warrant. 

“Well, we are just waiting for the government authorities to serve us a personal service po no'ng warrant," saad ni Bondoc.

“Missing na nga si Senator paano ise-serve?” singit ni Drilon.

National

Sen. Imee tungkol sa Con-Ass: 'Ambilis mag-deny ni Ping, sagutin mo STRAIGHT dapat!'

“That is the purpose of the lawyers, Ma'am,” tindig naman ni Bondoc.

“We are his legal counsel. Ma'am, I hope you don't ridicule us Ma'am, we're doing our best..." sita pa ni Bondoc sa natawang mamamahayag. 

KAUGNAY NA BALITA: Ces, na-'Stress Drilon' kay Atty. Jimmy Bondoc?

Ayon naman sa naging pahayag ni Matibag sa isinagawa nilang press conference sa “Saturday News Forum” ng Kamara nitong Sabado, Mayo 23, sinabi niyang hindi na raw niya personal na nakaharap si Dela Rosa noong Mayo 11, dahilan para hindi mabasa ng senador ang arrest warrant laban sa kaniya. 

“Hindi naman po nakaharap sa akin si Sen. Bato. That’s why he did not able to see the warrant and read the warrant,” pagsisimula niya. 

Ani Matibag, may karapatan naman daw tumawag si Dela Rosa o kahit na sinomang indibidwal ng kanilang abogado kapag may magsisilbi sa kanilang warrant of arrest. 

“He is entitled to, kung i-serve ‘yong warrant—halimbawa, ordinary citizens, there’s a warrant, you’re also entitled to call your lawyer. Para kung may question doon sa warrant, it will be raised,” aniya. 

Ngunit buwelta ni Matibag, sigurado raw siyang hindi tama na ang abogado ang tatanggap ng arrest warrant para sila ang personal na magsilbi nito sa pugante nilang kliyente.  

“Pero mali naman po ‘yong lawyer [na] sasabihing sa kaniya i-serve ‘yong warrant at siya ang magse-serve,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “Wala pong ganoon. Sigurado po ako doon at that’s under the rule of Court.” 

Pagpapatuloy ng NBI director, baka raw iniisip lang ni Bondoc ang sumikat nitong kanta na “Let Me Be The One” para personal na magsilbi ng warrant of arrest kay Dela Rosa. 

“Baka kasi ang iniisip ni attorney ay ‘Let me be the one to serve the warrant,’ ‘di ba?” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Bondoc kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Dela Rosa, itinuturing na 'armed and dangerous' ng NBI