Nasa kabuuang 71,936 na indibiduwal na lumabag sa iba’t ibang ordinansa sa Metro Manila ang inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kinumpirma ng top police official kahapon.
Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, naitala ang datos mula Hunyo 13, ang araw na ipag-utos ni Pangulong Duterte na arestuhin ang mga “tambay”, hanggang 5:00 ng umaga nitong Biyernes. Gayunman, sinabi niya 22 na lang ang nananatiling nakakulong.
Sa nasabing bilang, 26,083 o 36.26 porsiyento ang inaresto sa paninigarilyo sa pampublikong lugar; 10,405 naman ang menor de edad, o 14.46% na lumabag sa curfew.
Bukod diyan, nasa 10,224 katao, 14.21%, ang inarestong nakahubad-baro sa kalsada; habang 7,565 katao, 10.52%, ang inaresto sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar. Umabot naman sa 17,659 ang inaresto sa pag-ihi sa pampublikong lugar, paggamit ng karaoke sa gabi, illegal parking, at paglabag sa batas-trapiko.
Sa kabila ng malaking bilang ng mga inaresto, sinabi ni Eleazar na 22 lamang ang nakakulong habang ang iba ay winarningan lamang, at nagbayad ng multa o nagsagawa ng community service.
Sinabi rin ni Eleazar na nakikipag-ugnayan na sila sa mga city prosecutor, upang matukoy ang kalagayan ng mga kulungan sa Metro Manila.
-Martin A. Sadongdong