Hindi maaaring paghiwalayin ang “human rights” at “human life”.

Ito ang reaksiyon ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos sa naging pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang ikatlong State-of-the-Nation Address (SONA) nitong Lunes, nang igiit ng Presidente na kung human rights ang pinangangambahan ng ilang grupong tutol sa kanyang kampanya kontra droga, human life naman ang kanyang pinapahalagahan.

“Hindi natin puwedeng paghiwalayin ‘yun. We respect human rights to promote human life. At ang human life to promote it we have to preserve the rights of the people,” paliwanag ni Santos, na chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), sa panayam sa kanya sa Radio Veritas.

Umaasa rin ang obispo na magiging maingat ang administrasyong Duterte sa patuloy na pagpapatupad ng kampanya kontra droga, gaya ng binanggit ni Duterte sa kanyang SONA.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

“Kung itutuloy dapat naman ay may pag-iingat. Be very cautious. Ituloy, pero ituloy na may pag-iingat sa buhay. At ang pag-iingat sa buhay ay paggalang sa karapatan dahil ang paggalang sa karapatan ay pagtataguyod ng buhay,” ani Santos.

Nananatiling kontrobersiyal ang war on drugs ng gobyerno, na kumitil na sa buhay ng libu-libong katao, simula nang ipatupad ito noong 2016.

Mary Ann Santiago