NAGBIGAY pugay ang mga miyembro ng Team Philippines Muay sa Philippine Sports Commission matapos ang matagumpay na kampanya sa Muay Thai World Championship kamakailan sa Cancun, Mexico.

Ibinida ng tatlong muay fighters kay PSC Officer-in-Charge Arnold Agustin ang mga medalyang napagwagihan sa torneo sa kanilang courtesy call sa government sports agency na siyang naglalaan ng suportang pinansiyal para sa pagsasanay at paglahok ng mga atleta sa international tournament.

Nagwagi ng gintong medalya si Ariel Lee Lampacan sa 51kg kategorya, habang nakapag-uwi ng silver medal sina Khen Johnson Marques sa 54kg at bronze medal para kina Jojie Pajaron sa 48kg at Phillip Delarmino sa 57kg. Samantalang si Rudzma Abubakar naman ay isa sa mga quarterfinalists.

Ayon sa kanilang technical head coach na si Edzel Ngina, matinding paghahanda ang ginagawa ng mga atleta sa pangangasiwa nina coach Billie Alunino at Jonathan Polosan para sa South East Asian Games sa 2019 na gaganapin sa Pilipinas.

Wrestler-actor Dwayne Johnson, may pasabog sa fans; balik wrestling ring?

“Nais po naming maulit na manguna ang ating bansa sa ranking ng Muay Thai sa SEA Games 2019,” sambit ni coach Billie.

Aniya, masigasig ang mga atleta na magsanay dahil na rin sa suportang natatanggap mula sa PSC at sa administrasyon ng Pangulong Duterte.

Nanindigan naman si Agustin na maaasahan ng mga atletang Pilipino ang maigting na pagsuporta ng PSC at ng Pamahalaan para sa kanilang paghahangad na maging world-class athletes..