Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) na as of 3:30 ng hapon, umabot na sa 19 indibidwal ang namatay sa pagyanig ng magnitude 7.8 lindol sa Sarangani nitong Lunes, Hunyo 8.
Batay sa pahayag na ibinahagi ng OCD spokesperson na si Junie Castillo, 16 sa mga namatay ay nagmula sa Rehiyon 12 o Soccsksargen, habang tatlo naman ay galing sa Rehiyon 11 o Davao region.
“Of the 19 fatalities we are verifying, 16 are from Region 12 or Soccsksargen while three are from the Davao Region,” saad ni Castillo.
Ayon pa sa ulat ng OCD, 134 na ang "injured individuals" bunsod ng lindol, habang pito naman sa Davao region ang napaulat na nawawala.
Paglilinaw naman ni Castillo, nananatiling "preliminary" ang mga naitalang bilang sa insidente.