Hinamon ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga taong nagdadawit sa kanya sa isyu ng kurapsiyon na sampahan siya ng kaso upang mapatunayan ang mga paratang ng mga ito laban sa kanya.

Tahasang sinabi ni Bello na malinis ang kanyang konsensiya at handa niyang patunayan ito sakaling umabot ito sa korte.

Inalmahan ng kalihim ang kasong kurapsiyon na isinampa sa kanila ni dating Labor Undersecretary Dominador Say ng grupong Kilusang Pagbabago National Movement for Change sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Batay sa 15-pahinang reklamo ng grupo, nakasaad na hiningan umano ng DoLE, sa pamamagitan ni dating Usec Say, ng P6.8 milyon ang may-ari ng recruitment agency na si Azizza Salim, kapalit ng pagbaligtad nito sa cancellation order ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa kanyang kumpanya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Information passed to me by reliable sources and documentary evidence suggests that the two officials are in cahoots and connived to commit graft and corruption within the (labor) department,” ayon sa reklamo.

Idinaan umano ang naturang halaga sa isang Vanessa Josue, upang makarating sa dating opisyal ng kagawaran.

Ayon sa grupo, may mga ebidensiya umano si Salim, tulad ng sworn statement, na magpapatunay sa partisipasyon ng kalihim sa pangingikil.

Makikita rin umano ito sa inilabas na Administrative Order 241 ng kagawaran, na naglilipat sa tanggapan ni Bello ng kapangyarihan sa pagsertipika sa renewal ng mga lisensiya ng recruitment agency mula sa POEA.

Iginiit naman ni Bello na sa halip na sa media ay dapat na Department of Justice at sa Office of the Ombudsman ihain ang reklamo laban sa kanya.

Una na ring nadawit ang pangalan ni Bello sa isyu ng paniningil umano ng DoLE para sa identification cards ng mga OFW, na inalmahan din ng opisyal.

Matatandaang sinibak kamakailan ni Pangulong Duterte si Say dahil sa alegasyon ng kurapsiyon.

-Mina Navarro