Siyam na katao ang inaresto ng mga tauhan ng Pasig City Police at San Juan City Police sa magkahiwalay na operasyon sa mga lungsod na kanilang nasasakupan.

Sa Pasig, naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si Paul Corre, 30, sa buy-bust operation sa kanyang bahay sa Ramos Village, Barangay Rosario, Pasig City at nakumpiskahan ng 10 pakete ng umano’y shabu, bandang 1:30 ng hapon kamakalawa.

Sa ganap na 2:30 ng hapon, naaresto rin si Gina Pinili, 54, na itinuturing na high-value target ng awtoridad, sa Dr. Pilapil Street, Bgy. Sagad, Pasig City. Nakumpiska sa kanya ang pitong paket ng umano’y shabu.

Pagsapit ng 12:30 ng madaling araw kahapon, arestado naman si Reynel Paez, 20, sa Caruncho Avenue, Bgy. Malinao. Siya ay nakuhanan ng tatlong sachet ng umano’y dried marijuana leaves.

Comelec, inoobliga na mga kandidato na iparehistro ang kanilang social media accounts

Hindi rin nakaligtas sa pag-aresto si Ricardo Ramos, nasa hustong gulang, na nahulihan ng dalawang pakete ng umano’y shabu sa Rodrigo Compound sa Bgy. Pinagbuhatan, dakong 1:30 ng madaling araw.

Kasama rin sa mga naaresto si Ar-jay Fermin, nasa hustong gulang, na nasamsaman ng isang pakete ng umano’y shabu, dakong 2:45 ng madaling araw.

Samantala, sa pagitan ng 2:30 at 3:00 ng hapon ay naaresto sa buy-bust operation sina Mark Adalid, 29; Ronquillo Ramirez, 34; Cecilia Saludes, 52; at Clint James Saludes, 38, sa magkahiwalay na operasyon sa Milagros St., Bgy. Ermitaño at N. Domingo St., kanto ng M. Paterno St., sa Bgy. Pasadena, at nakumpiskahan ng limang pakete ng umano’y shabu at P800 marked money.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Mary Ann Santiago