PINASINAYAAN kahapon, Miyerkules, ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) ang isang community fish landing center at fisheries office sa Oriental Mindoro.

Ayon kay BFAR Assistant Regional Director Roberto Abrera, nagkakahalaga ang proyekto ng P8 milyon na matatagpuan sa Barangay Wawa, Pinamalayan, Oriental Mindoro.

“Ito na ‘yung pinagsama na three-storey office at community fish landing. Ganito na ang ginagawa ngayon ng BFAR na magkasamang office at fish landing. ‘Yung iba kasi nating ganito ay magkahiwalay, pero itong sa Oriental Mindoro ay iisa na,” paliwanag ni Abrera.

Nasa P5 milyon ang halaga ng itinayong prototype office building, habang P3 milyon naman ang halaga ng community fish landing, ayon pa sa kanya.

Ipinagmalaki ni Abrera na natatangi ang proyekto dahil kombinasyon ito ng isang opisina at isang fish landing sa iisang lokasyon, na may pasilidad na maaaring paglagakan at mayroong walong stainless stalls.

“Landing centers are very important for supplying freshly harvested fish to different markets or selling points,” dagdag pa ni Abrera, at sinabing maaari rin umanong magamit sa pangkabuhayan ng mga mangingisda sa bayan ng Pinalamayan at mga kalapit nitong lugar.

Kabilang sa imbitado sa pagdiriwang si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.

Bukod kay Piñol, nakiisa rin sa pagbubukas sina Agriculture Undersecretary for Fisheries retired commodore Eduardo Gongona, Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali, Jr., 2nd District Rep. Reynaldo Umali, 1st District Rep. Paulino Salvador Leachon, Pinamalayan Mayor Aristeo Baldos Jr., BFAR Regional Director Elizer Salilig, at si BFAR-Provincial Fisheries Office OIC Lea Dagot.

PNA