Unti-unti nang humihina ang bagyong “Gardo”, na umabot na sa pinakamatindi nito matapos dumaan sa karagatan ng Pilipinas sa loob ng mahigit isang linggo.
Unang namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Gardo bilang low pressure area (LPA) sa silangang ng Mindanao nitong Hulyo 3.
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, inaasahang ngayong araw, Miyerkules, lalabas ang bagyo sa Philippine area of responsibility (PAR) ngunit patuloy na magdudulot ng ulan mula sa southwest monsoon o habagat sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, northern Palawan at Romblon.
Pumipihit ang Gardo sa west-northwest sa bilis na 30 kph.
Samantala, asahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa buong Metro Manila, Western Visayas, at nalalabing bahagi ng Central Luzon, at southern Luzon hanggang ngayong Miyerkules.
-Ellalyn De Vera-Ruiz