Tinanggihan ng Malacañang ang mga ulat na maaaring manatili si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang puwesto hanggang sa 2030 sa ilalim ng panukalang charter para sa federal government na nagpapahintulot sa kanya na tumakbo para sa reelection.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos sabihin ni Julio Teehankee ng consultative committee (ConCom) na walang ban na nagbabawal kay Duterte, o maging kay Vice President Leni Robredo, na muling tumakbo sa halalan sa ilalim ng panukalang federal constitution.
“Their term will end in 2022. There’s no ban. They can run under a new constitution,” ani Teehankee sa panayam ng One News. Siya ang namumuno sa subcommittee on political reforms ng ConCom.
Ipinaabot ni Roque, sa text message kahapon ng umaga, ang sentimiyento ni Duterte na ayaw na nitong manatili sa puwesto nang higit pa sa kanyang orihinal na anim na taong termino.
“PRRD has repeatedly said: not a second beyond his term in 2022. He has said what he said: not a second longer,” ani Roque.
Sa panukalang charter, ang lahat ng elected officials ay bibigyan ng four-year term at isang posibleng reelection. Papayagan si Duterte na tumakbo para sa bagong four-year term, at isa pang reelection para sa isa pang termino na magtatapos sa 2030, sakaling magkabisa ang bagong konstitusyon sa 2022.
Gayunman, nilinaw ni Teehankee na hindi magkakaroon ng term extension ang sinumang opisyal sa panahon ng transition patungo sa panukalang federal government.
Isinusulong ni Duterte ang federalismo dahil ayon sa kanya ito ang reresolba sa matagal nang territorial dispute sa Mindanao. Sinabi rin niya na sa ilalim nito ay mas makikinabang ang mga lalawigan sa kanilang resources.
Tiniyak niya sa kanyang mga kritiko na wala siyang balak na manatili sa poder kaya niya isinusulong ang federal form of government.
“Do not be afraid of a dictatorship because I will not be one. Ayaw ko nang habaan ninyo. Gusto ko nga iklian niyo,” sinabi niya.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS